SA SERYE ng buy bust operations ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan, nadakip sa magkakahiwalay na bayan ang pitong hinihinalang nasa likod ng pagpupuslit ng mga sigarilyo, nitong Martes, 22 Hunyo.
Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na puwersa ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Doña Remedios Trinidad (DRT) Municipal Police Station sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, at Pandi, sa naturang lalawigan.
Kinilala ang mga arestadong suspek na sina Roderick Gregorio, Cornelia Gregorio, Christopher Sito, Jayson Laboy, Raymart Torres, Enrique Jhon Gerome, at John Rupert.
Nasamsam ng mga operatiba mula sa pitong suspek ang may kabuuang bilang na 241 reams ng sigarilyong Moon at dalawang reams ng sigarilyong D&B na naiulat na ‘smuggled and/or untaxed cigarettes.’
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga nakapiit na suspek.
(MICKA BAUTISTA)