MATAPOS matalo sa Miss Universe, nasabi ni Rabiya Mateo na ”mag-aartista na lang siya.” Hindi namin narinig iyon mismo mula sa kanya, at hindi rin naman official statement iyon. Pero naniniwala kami na kaya niya nasabi iyon, para mas masabing may mapupuntahan naman siya matapos na malasin sa Miss U.
Palagay din naman namin, may nagkondisyon na rin sa kanyang isipan na pagkatapos ng Miss U, may kukuha sa kanya at pasisikatin siya bilang isang artista. Pero basta nga ba beauty queen ka sapat na iyon para ka maging artista?
Iba na ang audience ng pelikula o kahit na television shows sa ngayon. Mapanuri na ang audience. Hindi kagaya noong 1963, nang maging 3rd. runner up sa Miss Universe si Lalaine Bennet ng Bayombong, Pangasinan, nag-speech sa wikang Filipino at hinangaan ng mga tao. Siya kasi ang kauna-unahang Pinay na nanalo sa Miss U kahit na 3rd. runner up lang. Ang sumunod doon, isang pelikula na title role pa siya, iyong Lalaine Mahal Kita. Pero hindi rin nagtagal ang kanyang career bilang isang aktres.
Siguro ang masasabi nating naging Miss Universe na naging matagumpay ding aktres ay si Gloria Diaz. Marami kasing mahuhusay na director na kumuha sa kanya sa pelikula, na-develop nang husto ang kanyang talent kaya ngayon siya ay itinuturing na ngang isang accomplished actress.
Iyong sumunod sa kanya, si Margarita Moran, gumawa lang ng isang pelikula kasama si Cocoy Laurel bagama’t mahilig siya sa sining, katunayan siya ang presidente ng Ballet Philippines at chairman din ng Cultural Center of the Philippines, hindi nga niya itinuloy ang pagiging artista.
Lately, ano ba ang nangyari sa career ng Miss Universe na si Pia Wurtzbach? Nakagawa siya ng pelikula kasama si Gerald Anderson na hindi rin naman talagang naging big hit. At si Catriona Gray, mas napag-usapan ang masalimuot na relasyon nila ng dating boyfriend na si Clint Bondad, at ang love affair niya sa boyfriend ngayong si Sam Milby. Naging endorser siya ng isang multi-level marketing company at ano pa nga ba?
Kung titingnan mo ang mga kuwentong iyan, hindi dahil sa beauty queen ka puwede ka nang artista, kaya kung totoo ngang sinabi ni Rabiya na ”mag-aartista na lang ako” matapos matalo sa Miss Universe, mas mabuti sigurong mag-isip muna siya.
HATAWAN
ni Ed de Leon