Ika-9 na brand-new eco plane ng Cebu Pacific dumating na
TINANGGAP ng Cebu Pacific ang kanilang ika-9 na brand-new Airbus A321neo (New Engine Option) nitong Miyerkyoles, 19 Mayo, bilang pagtalima sa kanilang patuloy na pagsisikap na maging eco-friendly ang kanilang mga operasyon.
Maituturing na isa sa pinakabatang airlines ang Cebu Pacific na may average na edad na 5.75 taon.
Kilala ang Airbus 321neo na makatitipid ng 20% sa halaga ng fuel, kaya magiging mas abot-kaya pa ang flight fares para sa mga biyahero.
Ang transisyon lahat ng eroplano ng Cebu Pacific ay mapapalitan ng NEO ay bahagi ng misyon ng airline na mapababa ang kanilang carbon emission at magbigay ng kontribusyon sa layuning maging sustainable, sapagkat ang A321neo ay mas fuel-efficient at mas mababa ng 50% ang noise footprint kompara sa mga naunang henerasyon ng eroplano.
“We are happy to continue moving forward with our long-term fleet plan in line with our commitment to keep providing safe and affordable travel for everyJuan. Now more than ever, ensuring our operations are as efficient and sustainable as possible is of top priority and we are glad to have started with this journey even before the pandemic,” pahayag ni Alex Reyes, Chief Strategy Officer ng Cebu Pacific.
Nakatakdang maisama sa mga nagseserbisyong eroplano ang pinakabagong aircraft ng Cebu Pacific bago matapos ang buwan ng Mayo upang makabiyahe sa iba’t ibang destinasyon sa bansa na mayroong 44 ruta ang airlines.
Sa kasalukuyan, kabilang sa 75-strong fleet ng Cebu Pacific ang siyam na A321neo, 25 Airbus A320, pitong Airbus A321ceo, limang Airbus A320neo, pitong Airbus A330, anim na ATR 72-500, at 13 ATR 72-600 eroplano, kasama ang dalawang ATR freighter at isang A330 freighter. (KARLA OROZCO)