
50 bahay naabo sa sunog sa Munti (Residente tumalon sa ilog)
MAHIGIT 50 bahay ang natupok habang P1.3 milyong halaga ng aria-arian ang napinsala sa sunog na naganap sa residential areas sa Brgy. Cupang, Muntinlupa City.
Ayon sa Muntinlupa Bureau of Fire Protection pasado 1:00 a.m. kahapon nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa Purok 2, Aquino Compound PNR site, Brgy. Cupang.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na yari sa light materials at nadamay pati ang isang warehouse sa naturang lugar.
Nagresponde ang mga bombero at pasado 3:00 a.m. nang ideklarang fire under control ang sunog.
Isa sa mga nasunugan si Mang Danilo, ang nanlulumong nagsabi na dahil sa naiipit na sila sa lakas ng buga ng apoy at init ay tumalon na ang kanyang pamilya at ilang kapitbahay sa ilog dahil walang madaanang eskinita.
Batay sa paunang imbestigasyon, hinihinalang faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog .
Samantala, ang maraming naapektohang pamilya ay pansamantalang dinala sa evecuation center para mabigyan ng tulong ng pamahalaang lokal sa pamumuno ni Mayor Jaime Fresnedi at Congressman Ruffy Biazon. (MANNY ALCALA)