ARESTADO ang apat na hinihinalang tulak at tatlong iba pang naaktohang umiinom ng alak sa oras ng curfew sa sunod-sunod na police operations ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 19 Abril.
Ayon kay kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nadakip ang apat na drug suspects sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Pulilan Municipal Police Station (MPS).
Kinilala ang mga suspek na sina Achmad Samporna, alyas Dodong; Alinor Samporna, alyas Alupong; Rebecca Samporna, alyas Bec; at Rosemarie Abad, alyas Rose, pawang nasa talaan ng Drug Watchlist ng Pulilan MPS at mga residente ng Brgy. Dampol 1st, bayan ng Pulilan, sa naturang lalawigan.
Nakompiska ang 12 selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu at buy bust money mula sa mga suspek na nakakulong ngayon sa Pulilan MPS Jail at nakatakdang sampahan ng kaso sa hukuman.
Samantala, nadakip din sina Mike Luis Villapa, Christian Laxamana, at Joemar Reyes, matapos maaktohang nag-iinuman ng alak, lumabag sa curfew hour, hindi pagsusuot ng facemask, at pagtataglay ng ilegal na droga sa Brgy. Poblacion, bayan ng Baliwag, dakong 4:30 am nitong Linggo, 18 Abril.
Nahuli ang mga suspek habang nagpapatrolya ang mga awtoridad ng barangay at nakompiska mula sa kanila ang tatlong selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu.
Dinala ang mga suspek at mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Crime Laboratory para sa eksaminasyon habang inihahanda ang mga reklamong kriminal na ihahain sa korte.
(MICKA BAUTISTA)