Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Basketball courts ba’y solusyon vs Covid-19?

HABANG hindi magkandaugaga ang buong bansa kung paano popoproteksiyonan ang bawat pamilya laban sa pananalasa ng CoVid-19 sa pamamagitan ng bakuna, nangangamba naman ang mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon dahil busy umano ang kanilang gobernador sa pagpapagawa ng basketball courts.

Naku, may katotohanan po ba ito, Quezon Governor Danilo “Danny” Suarez?

Tayo po’y nagtatanong dahil maraming taga-Quezon ang dumaraing at nahihintakutan dahil patuloy daw po ang pagtaas ng kaso ng CoVid-19 sa lalawigan ng Quezon.

Ayon sa mga residente, matapos maideklara ang enhanced community quarantine (ECQ) sa kanilang lalawigan, wala raw po silang nababalitaan na mayroong pagsisikap ang pamahalaang panlalawigan na makapaglunsad ng bakunahan sa hanay ng mga nasa priority lists.

Kaya nagtataka umano sila, dahil parang ‘matamlay’ ang kanilang gobernador kapag bakuna ang pinag-uusapan.

Umalma na rin ang Quezon Rise movement, dahil mukhang hinihintay na lang umano ng mga pinuno ng lalawigan na ‘maratay’ o ‘mamamatay’ ang bawat tamaan ng CoVid-19??!

‘Wag naman po sana…               

“Bakuna at hindi politika ang kailangan ngayon sa Quezon dahil sa lumalalang bilang ng mga nagkakasakit,” ayon kay Ed Santos, tagapagsalita ng Quezon Rise movement.

Ang Quezon Rise movement ay isang bagong tatag na koalisyon ng mga grupong nais ng tunay na pagbabago sa lalawigan ng Quezon.

E sino nga naman ang hindi mahihintakutan kung sa bilang ng Department of Health (DOH), aabot sa 9,000 CoVid-19 cases ang naitala sa Quezon province?!

Kailangan bang maging 10,000 bago umaksiyon?

Sa tala ng DOH, hindi bababa sa 30 hanggang 40 bagong kaso ng CoVid-19 ang nadaragdag sa datos ng mga maysakit sa buong lalawigan.

Ang kuwestiyon umano ni Santos, bakit 2.9% lang ang vaccination rate ng buong lalawigan?! Ano raw po ba ang ginagawa ninyo Governor Suarez?

Kung kayo po’y hindi nakalalabas dahil nag-iingat kayo sa inyong kalusugan, aba’y puwede naman kayong sumagot o magpaliwanag.

Marami po kasing diskontento Gov. Suarez kaya nais nila kayong magpaliwanag.

Kasi noong Enero raw, inianunsiyo ninyo mismo na naglaan ang lalawigan ng P1 bilyong pondo para sa bakuna.

Kaya ang tanong daw po ng mga kababayan ninyo, nasaan ang mga bakunang kailangang-kailangan ng mga kababayan sa Quezon.

Pero ang sinisisi umano ni Gov. Suarez ang provincial board.

Hindi raw ipinasa ang kanyang badyet na umano’y puno ng mga proyektong impraestruktura tulad ng paggawa ng basketball courts.

Kaya hayan, mariing ipinahayag ng Quezon Rise, “hindi basketball courts kundi alagang medikal ang kailangan ng nagkakasakit na mga mamamayan ng probinsiya.”

Pero totoo bang bukod sa pagpaprayoridad ni Gov sa basketball courts, hinaharang umano niya ang mga grupong gumagawa ng paraan o ‘yung nagbibigay ng libreng medical assistance sa mga mamamayan ng Quezon, maging sa mga liblib na lugar?

Naku, ayaw ng constituents nang ganyan. Baka hindi nila mallimutan ‘yan hanggang eleksiyon?!

Para mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal ang lalawigan ng Quezon, nanawagan si Santos na isantabi muna ni Suarez ang politika at ang kanyang takot na matalo sa susunod na eleksiyon at pagtuunan ng pansin ang mga pangangailangang medikal ng lalawigan.

Pero imbes tugunan ito, abala umano si Suarez na siraan at isisi sa kanyang mga kalaban sa politika ang paglala ng sitwasyon sa Quezon, at lalong walang aktibong paraan ang pamahalaang panlalawigan para bigyang tuldok ang pandemya.

Gov. Suarez Sir, ayaw ba ninyong pakinggan ang mga dumaraing ninyong mga kababayan?!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *