Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Mga ginawa ng OVP at mga hindi ginawa ng kasalukuyang liderato gugunitain ng bawat henerasyon (Sa pandemyang CoVid-19)

BUHAY na buhay ang social media nitong nakalipas na linggo.

Una, dahil sa ‘rescheduling’ ni Pangulong Duterte ng kanyang weekly Talk to the People, at pangalawa, dahil sa Bayanihan E-Konsulta ni VP Leni Robredo.

Maraming netizens ang sumabay sa hashtag na #NasaanAngPangulo, dahil dalawang linggo nang hindi nagpapakita — ang huling pagkakataon ay noong nag-report sa kaniya ang gabinete tungkol sa lagay ng CoVid-19 sa bansa. Ang suspetsa tuloy ng mga tao, walang nagtitimon sa gobyerno kaya nagkakaniya-kaniya na lang ang iba’t ibang departmento sa kanilang CoVid-19 response.

Dagdag dito, marami sa mga inaasahan nating dapat na namumuno sa atin sa panahong gaya  nito, nawawala rin sa mata ng publiko: ang Defense Secretary, naka-isolate; ang Presidential Spokesman, naospital; ang Interior Secretary, matagal nang hindi nagpapakita; at marami pang missing-in-action na opisyal ng gobyerno.

Lahat sila, may CoVid — ‘yung mismong sakit na sinusubukan nilang puksain. At dahil sila mismo ay nagkakasakit, nakakaawalang kompiyansa ang kakayahan nilang maampat ang pagkalat ng virus sa mga komunidad natin.

Bilang Filipino, hindi natin maiwasang mangamba at matakot dahil parang napakalayo pa natin sa dulo ng kalbaryong ito.

Sa kabilang banda, nandiyan ang mga kuwento ng bagong programang handog ni VP Leni: ang Bayanihan E-Konsulta. Ang ideya nito: Libreng konsulta sa doktor para sa mga tao na nangangailangan. Kahit sinong may cellphone at free data, puwedeng mag-message sa Bayanihan E-Konsulta Facebook Page, para ikonek ng OVP sa partner volunteer doctors para sa konsultasyon.

Kasunod nito, inilunsad rin ng tanggapan ni VP Leni ang Swab Cab — isang mobile CoVid testing initiative na dinadala sa mga lugar na may mataas na kaso ng CoVid-19. Layunin nitong ma-test at agad ma-isolate ang mga pasyenteng natukoy na ‘positive.’

Dagdag dito, namimigay ang OVP ng libreng CoVid Care Kits, na naglalaman ng lahat ng kailangan ng pasyente sa dalawang linggong naka-isolate kapag nag-positive sa impeksiyon.

Sinasagot ng inisyatibang ito ang dalawang problema natin ngayon pagdating sa pagkontrol ng virus sa bansa: una, ‘yung kakulangan ng mass testing, at pangalawa, ‘yung takot ng mga kababayan natin na ‘di sila makapagtrabaho kapag nag-positive sa CoVid. Lahat ng inisyatibang ito, sabi nga ni VP Leni, ay karagdagang tulong ng kaniyang Tanggapan sa mga programa ng gobyerno.

Ito ang kontribusyon niya para maiangat ang buhay ng mga Filipino sa kabila ng mga hamong dala ng pandemya.

Dahil sa dalawang kuwentong ito, naisip natin ulit ‘yung kakaibang proseso ng paghahalal natin ng pinakamatataas na pinuno ng bansa. Nabanggit natin ito sa mga nakaraang kolum: Kung pag-aaralan ang kasaysayan, mula sa magkaibang partido ang ibinoboto nating Presidente at Bise Presidente, at madalas, magkaiba ang kanilang mga pananaw o kabaliktaran talaga ng isa’t isa ang mga paniniwala.

Hindi pangkaraniwan ang pagpili natin ng mga lider, dahil laging magkatunggali ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa natin, ipinapangalan ang bawat administrasyon sa kung sino ang nakaupo.

Taliwas ito sa ginagawa ng ibang bansa tulad ng Amerika, na kinikilala ang tandem sa pagpangalan ng administrasyon: halimbawa, ang administrasyon ni Trump-Pence, o ang bagong halal na Biden-Harris administration. Dahil sa pagpapangalan natin ng administrasyon, nakakalimutan natin kung ano nga ba ang ginawa ng mga naluklok na bise presidente.

Naalala lang natin sila dahil sa kanilang mga pinaglingkurang pangulo, tulad ni Sergio Osmeña o ni Joseph Estrada, na parehong naging Presidente rin kalaunan. Pero pinapatunayan ng nakalipas na mga araw na maaaring magbago ang kaisipang ito dahil sa ginagawa ng kasalukuyan nating Bise Presidente.

Sa mga susunod na taon, isusulat sa kasaysayan natin ang panahon na ito bilang mga taon ng CoVid-19 pandemic sa Filipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte. Aalalahanin ng mga tao ang mga ginawa ng administrasyong ito, pati na ang mga hindi nagawa. Babalik-balikan natin kung paano ang buhay sa kasagsagan ng krisis na ito.

Pero dahil sa ipinamalas niyang husay at determinasyon na makatulong, maaalala ng mga tao ang ginawa ng ating Bise Presidente. ‘Di tulad ng ibang administrasyon at mga pangalawang pangulo, bukod-tangi si VP Leni dahil sa mga solusyong inihahain niya sa mga problema natin ngayon.

Sa oras na pinakakailangan, nandoon siya; at hinding-hindi ito makalilimutan ng mga Filipino.

Sabi nga natin sa naunang kolum, ang pagkapanalo ni VP Leni noong 2016 ay patunay a nasa kaniya ang mandatong kapantay ng pagiging Pangulo ng bansa.

Ipinakita sa atin ng krisis na ito na kung may malinaw na mandato at mga layunin, kayang mamuno ng Bise Presidente. Dahil sa kaniyang mandato at kakayahang mamuno, nakikita natin ang lalo pang pag-ariba ni VP Leni sa huling taon niya sa termino.

At malay natin, kung magtuloy-tuloy ito, maiuupo siya sa puwestong maipakikita niya sa atin kung paano dapat mamuno ang isang lider ng bansa.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *