INATASAN ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon si Bulacan Provincial Director P/Col. Lawrence Cajipe upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril, biktima ang isang miyembro ng Quezon City Police District noong Sabado, 10 Abril 10, sa lungsod ng San Jose Del Monte, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat, kinilala ang biktimang si P/SSgt. Jonathan Rellores, 42 anyos, may asawa, miyembro ng PNP at kasalukuyang nakatalaga sa QCPD Station 3.
Nabatid na binabagtas ng biktima ang Quirino Highway habang sakay ng kanyang motorsiklo patungo sa direksiyon ng lungsod ng Caloocan nang parahin siya ng isang concerned citizen at iniulat ang isa umanong insidente ng holdap.
Itinuro ang isang hindi kilalang lalaki na kaswal na naglalakad sa nasabing kalsada bilang salarin.
Agad nilapitan ni P/SSgt. Rellores ang suspek at nang kanyang komprontahin ay bigla na lamang bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis na tinamaan sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Pagkatapos nito, tumakas ang suspek patungo sa direksiyon ng Brgy. Tungkong Mangga sakay ng motorsiklo samantala si Rellores ay nagawang isugod ang sarili sa Commonwealth Hospital and Medical Center sakay ng kanyang motorsiklo.
(MICKA BAUTISTA)