Sunday , December 22 2024

Dapat i-donate ng US ang sobrang bakuna

KUNG mayroon mang isang mabuting ginawa si Donald Trump bago siya umalis sa White House, iyon ay ang America First-style ng pagbili ng anti-CoVid vaccines ng kanyang administrasyon. Nagbigay-daan ito para sa epektibong CoVid-19 immunization program na mabilis na naaabot ang mga target nito sa iba’t ibang dako ng Amerika, ang puntirya man ay herd immunity o turukan ang bawat isang Amerikanong gustong mabakunahan.

Batid ng US National Security Council na posibleng sa susunod na mga buwan, o maaaring sa loob lang ng ilang linggo, ay magkakaroon ang Amerika ng isa sa pinakamalalaking vaccine surpluses sa mundo. Bilang pinuno ng malayang mundo, nakikinita kong minsan pa, kakasahan ng Amerika ang pambihirang oportunidad na ito na isalba ang mga bansang nalulugmok sa pandaigdigang krisis pangkalusugan.

Magiging matalinong hakbangin kung sasamantalahin ng administrasyon ni Biden ang pagkakataong ito nang may dakilang responsibilidad. Iyon bang mula sa pagiging buwakaw sa pinakaimportanteng bakuna sa mundo, si Uncle Sam ay magiging isang bayani sa pamamahagi ng iniimbak nitong bakuna para sa pandaigdigang populasyon ng mga nagkakasakit at namamatay dahil pahirapan ang pagkakaroon ng access sa limitadong doses ng bakuna.

Siyempre pa, ang pantay-pantay na pamumudmod ng Amerika ng sumobrang stock ng bakuna kontra CoVid-19 sa mga bansang pinakamatitinding naapektohan ng pandemya ay tiyak na magiging nakalilito. Pero mas malaking problema naman ang pagpapaliwanag sa sangkatauhan kung bakit pinabayaan lang na mag-expire ang sangkatutak nitong bakuna habang libo-libo ang namamatay sa mahihirap na bansa araw-araw.

***

Para sa mga bansang tulad ng Filipinas, na hindi pa man lang umaabot sa isang porsiyento ng 110 milyong populasyon nito ang nababakunahan, ang anumang donasyong bakuna ay napakalaking tulong sa kritikal na panahong ito.

Ang araw-araw na paglobo ng mga kaso ng CoVid-19 sa bansa ay nagpapatuloy at umabot na nga sa nakababahalang bilang ngayong pandemya. At bagamat karamihan pa rin ng mga Filipino ay naniniwalang ang Amerika ang pinakamatalik na kaibigan ng Filipinas, China ang nag-donate sa atin ng isang milyong doses ng bakuna kontra CoVid-19.

Totoong ang Amerika ang numero unong magiging tagapagtanggol at kaalyado natin sakaling sumiklab ang gera sa South China Sea. Ngunit matagal nang nananalasa sa ating mga isla ang digmaan ng pandemya, na kumitil sa buhay ng mahigit 14,700 sa ngayon. Naikonsidera man lang kaya ng Amerika na magpadala sa Filipinas ng kahit kapiranggot na bahagi ng sobrang stock ng bakuna?

***

Binabati natin si Rep. Joy Myra S. Tambunting ng Ikalawang Distrito ng Parañaque City sa pagiging ikapitong kasapi ng Kamara de Representantes na naghain, bilang principal sponsor, ng pinakamaraming panukala at resolusyon sa 18th Congress. Hanggang nitong 8 Abril 2021, naghain ang kongresista ng kabuuang 420 panukala sa Kamara.

Bago ang congressional break, limang panukalang inihain ni Rep. Tambunting na inaprobahan sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang naisumite na sa Senado. Ito ay ang: HB 8943 – Batas na Mag-oobliga ng mga Impormasyon tungkol sa Kalamidad na Ilalahad sa Pinakakaraniwang Lengguwahe para sa Ganap na Pag-unawa ng Publiko; HB 8990 – Batas na Magtatayo ng mga Evacuation Centers sa Bawat Lungsod at Munisipalidad, at Paglalaan ng Pondo para rito; HB 8817 – Batas na Magbibigay ng Proteksiyon sa mga Manggagawang Freelancer; HB 8999 – Batas na Magtatatag ng Medical Reserve Corps, Paglalaan ng Pondo para rito at para sa iba pang Kadahilanan; at HB 8736 – Batas na Magtatatag ng isang Rental Housing Subsidy Program para sa mga Pamilyang Informal Settlers at Paglalaan ng Pondo para rito.

Isinulong niya ang mga panukalang ito sa paniniwalang makatutulong upang higit na matugunan ng bansa ang iba’t ibang problema, tulad ng pandemya, kalamidad, suliraning pang-ekonomiya, at krisis sa pabahay.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *