NADAKIP ng mga awtoridad nitong Linggo, 11 Abril, ang limang lalaking nagbebenta ng mga ilegal at pekeng sigarilyo sa mga sari-sari store sa bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT), sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na ipinadala ni P/Capt. Demosthenes Desiderio, Jr., hepe ng DRT Municipal Police Station (MPS) kay Bulacan Police Director P/Col. Lawrence Cajipe, kinilala ang ang limang suspek na sina Marlon Feliciano, Mark del Rosario, Anthony Lazaro, Reymart Libunao, at Arjay Lazaro, pawang tricycle drivers at mga residente sa bayan ng San Miguel, sa nabanggit na lalawigan.
Nasabat ang mga suspek habang lulan ng kanilang mga ipinapasadang tricycle at huli sa aktong nagbebenta sa maliliit na tindahan sa Brgy. Sapang Bulak, DRT ng mga pekeng sigarilyo mula sa Thailand.
Tumambad sa mga pulis ang kahon-kahong mga peke o ‘Class A’ na sigarilyo at maging unbranded at unregistered na aabutin sa halagang P100,000.
Nang hingan ng dokumentong magpapatunay na sila ay awtorisadong magbenta ng mga naturang sigarilyo, walang maipakita ang mga suspek kaya sila ay dinakip at inilagay sa kustodiya ng himpilan ng DRT MPS.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003, at RA 9372 (The Consumer Act).
(MICKA BAUTISTA)