DERETSO sa kulungan ang 14 kataong sunod-sunod na pinagdadampot ng mga awtoridad sa loob ng isang araw na police operations sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 10 Abril.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nadakip ang pitong suspek sa ikinasang buy bust operations ng Guiguinto, San Miguel, at Calumpit Station Drug Enforcement Unit (SDEU).
Kinilala ang mga suspek na sina Ian Christopher Santos ng Brgy. Tuktukan, Guiguinto; Ronald Joaquin ng Brgy. Tigpalas, San Miguel; Rodolfo Herrera ng Brgy. San Vicente, San Miguel; Erwin Velarde, Adrian Perona, kapwa ng Brgy. Sta Rita Bata, San Miguel; Rafael Vargas, Jr., at Joel Librada, kapwa residente sa Sergio Bayan, Calumpit.
Nakompiska mula sa kanila ang pitong selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu, dalawang zip lock plastic sachets ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana, at buy bust money.
Samantala, arestado ang isang wanted person sa inilatag na manhunt operation ng Meycauayan City Police Station (CPS) sa Brgy. Calvario, lungsod ng Meycauayan.
Nadakip ang suspek na kinilalang si Lourdes Pabello ng lungsod ng Quezon City, sa Brgy. Calvario, sa nabanggit na lungsod, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Slander (Oral Defamation).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Meycauayan CPS ang akusado para sa kaukulang disposisyon.
Nasilat din ang tatlong suspek na kinilalang sina Urbilly Japon, Jr., Ovil Macalos, at Miguel Barsolaso, ng mga tauhan ng Marilao Municipal Police Station (MPS) nang maaktohang nagsusugal ng pusoy at nakompiskahan ng isang set ng baraha at P5,000 bet money.
Arestado ang tatlong kawatan sa magkakahiwalay na insidente ng nakawan sa lungsod ng San Jose Del Monte, at sa mga bayan ng Pulilan, at Guiguinto.
Kinilala ang mga suspek na sina Dody Bernadas, nadakip sa pagnanakaw umano ng cellphone sa Brgy. Sta. Cruz III, SJDM; Michelle Tumbaga, isang fast-food chain service crew na inaresto sa hinalang pagnanakaw ng pera sa Brgy. Sto Cristo, Pulilan; at John Ralph Guliman, nadakip sa reklamong pagnanakaw ng bag ng canton sa Brgy. Tabe, Guiguinto.
Nahaharap ang tatlong suspek sa mga kasong kriminal na nakatakdang ihain sa korte.
(MICKA BAUTISTA)