Sunday , December 22 2024

Bakuna para sa mga mayor; isang sampal para sa China

GAYA ng babala ko noong nakaraang linggo, ang panibagong lockdown ay posibleng mapalawig pa. At tulad ng pagtaya ng OCTA Research Group tatlong linggo na ang nakalipas, ang mga bagong nahawaan ng CoVid-19 ay totoong umabot — at lumampas pa nga —sa mahigit 11,000 kaso kada araw, kaya naman punuan na ngayon ang mga pasilidad pangkalusugan sa Metro Manila at sa apat pang lalawigan (Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite) sa unang linggo ng Abril.

May malaking bilang ng ating medical frontliners, partikular mula sa mga pampublikong ospital ng gobyerno, ang dinadapuan na rin ng coronavirus. Ang katotohanan kung bakit inilagay ng World Health Organization (WHO) ang healthcare professionals sa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan sa ilalim ng COVAX Facility, ay isa na ngayong masaklap na realidad. Sa kabila nito, usad-pagong pa rin ang programa ng gobyerno sa pagbabakuna.

Kung may ipinagpapasalamat man ako sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), iyon ay ang desisyon nitong isama ang 400 local government chief executives ng mga lugar na maraming kaso ng CoVid-19 sa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan. Naiintindihan ko ang mga pagpuna sa ibang alkalde na sumingit sa pila ng mga unang babakunahan kontra CoVid-19 bago pa nailabas ang bagong patakarang ito. Pero ang totoo, ang mahuhusay na alkalde ay mas lantad sa panganib na mahawa ng sakit habang inaasikaso ang pangangailangan ng kanilang constituents.

Ang alkalde namin sa Quezon City, si Joy Belmonte, ay dinapuan ng CoVid-19 sa ikalawang pagkakataon. Siya ay isang frontliner na may mas malaking responsibilidad na pangasiwaan ang pagtugon ng pamahalaang lokal sa pandemya sa pinakamalaking siyudad sa Metro Manila. Habang patuloy siya sa pagganap sa kanyang tungkulin dahil bahagya lang siyang naapektohan ng virus, ang pagtatrabaho nang wala sa field habang naka-isolate ay nakaaapekto sa pagtupad niya sa kanyang mga responsibilidad. Hindi maaaring ngayon pa magkasakit ang aming alkalde habang hinaharap niya ang pinakamatinding krisis pangkalusugan na naranasan ng sinomang nasa posisyong tulad ng sa kanya. Gaya niya, maraming iba pang alkalde ang karapat-dapat mabakunahan kaagad laban sa CoVid-19.

***

Sa panahong nalathala na ang kolum na ito, umaasa akong nilisan na ng mga barko ng Chinese military ang ating teritoryo sa Julian Felipe Reef, West Philippine Sea. Kung hindi, hahalungkatin ko sa memorya, noong ako’y teenager pa, ang mga nalalaman kong mapang-insultong salitang Chinese at pauulanan niyon ang kanilang mga Facebook page.

Nagtimpi na ang ating gobyerno at tinanggap pa nga ang paunang palusot ng embahada ng China na ang mga barkong iyon ay ‘sa mga mangingisda’ na saglit daw humimpil malapit sa bahura nang lumaki ang alon dulot ng masamang panahon.

Pero makaraang abusohin ang pananatili sa ating teritoryo nang matagal na panahon, ang Chinese foreign ministry pa ngayon ang may lakas ng loob na magsabing ang bahura ay nasasaklawan daw ng Nansha Islands. Ano nga iyong kasabihan tungkol sa mga bisita? “Tulad ng isda, nagsisimula na silang lumansa makalipas ang tatlong araw!”

At dahil malinaw naman talaga ang pakay, sinupalpal ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang plano ng Beijing na palawakin pa ang inaangkin nitong mga teritoryo sa West Philippine Sea – tulad ng ginawa nito noon sa ating Panatag Shoal (kilala rin bilang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal) at Panganiban Reef.

Hindi marahil tama ang pagkakaintindi ng China sa mensahe ni Lorenzana na, “Umalis na kayo riyan,” kaya isalin natin ito sa English: “Get out of there, now!!!” Nang ihain ng Department of Foreign Affairs ang protestang diplomatiko ng Filipinas sa gobyernong Chinese nitong 21 Marso, dapat na nagpakadisente ang Beijing na iutos sa mga barko nila ang paglisan sa lugar. Pero mukhang hinahamon talaga nito ang Maynila.

Kahiya-hiya kayo! Inaaway ng dambuhalang China ang kakapiranggot na Filipinas sa pagtatangkang sakupin ang hindi pa nga papasa bilang isla na nakalubog sa ilalim ng malawak na karagatan. Ganito ba magpakita ng puwersa at tapang ang China, na determinadong pangilagan ng mundo bilang isang karespe-respetong bansa?

Basahin ninyo ang aming kasaysayan, Mr. Xi Jin Ping. Higit pa rito ang ipinagmamalaki ng Filipinas.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *