SA LOOB ng apat na araw mula 23 Marso, susuriin ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan kung epektibo ang pagpapatupad ng service drop box system upang patuloy na makapaglingkod sa mga Bulakenyo nang hindi nagkakaroon ng physical o face-to-face na transaksiyon.
Ipinatupad ito sa pamamagitan ng memorandum at sang-ayon sa Executive Order No. 9 Series of 2021 na inisyu ni Gob. Daniel R. Fernando, nagpapatibay at nagpapatupad ng IATF Resolution No. 104 Series of 2021 kasunod ng pag-anunsiyo ng Malacañang na naglagay sa Bulacan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) mula 22 Marso hanggang 4 Abril dahil sa muling pagtaas ng kaso ng CoVid-19 sa bansa.
Ayon kay Fernando, bagaman sarado ang mga pintuan sa gusali ng Kapitolyo, bukas pa rin ito upang maglingkod sa mga Bulakenyo na nangangailangan sa pamamagitan ng mga tent, mesa, at upuan sa likod ng gusali.
Isinagawa ang nasabing aksiyon upang protektahan ang publiko at mga kawani mula sa nakamamatay na virus.
“Sa pamamagitan nito ay sisikapin nating maipagkaloob ang paglilingkod na hindi muna magkakaroon ng physical contact o face-to-face transaction ang kliyente at mga kawani ng tanggapang nagkakaloob ng serbisyo,” ani Fernando.
Ayon sa memo, maglalaan ang bawat tanggapan ng maayos na transparent drop box na may kaukulang pangalan kung saan ihuhulog ng mga mga kliyente ang mga dokumento para sa kanilang kahilingan na matatagpuan sa likod ng Kapitolyo.
Gayon din, maaaring gumamit ng modernong teknolohiya at/o social media platforms upang ipaabot ang kaukulang impormasyon hinggil sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng Kapitolyo.
Matapos ang unang bahagi ng implementasyon, rerebisahin ito para sa kinakailangang pagbabago sa susunod na linggo.
Bukod dito, binigyang diin ng gobernador ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards.
“Mag-ingat po tayong lahat. ‘Wag po tayong magpakakampante dahil tumataas po ang kaso hindi po bumababa. Huwag natin ipagwalang bahala ang mga isinakripisyo na natin noong nakaraang taon at patuloy po tayong magdasal,” anang gobernador.
Samantala, mahigpit na binabantayan at nililimitahan ang mga daan papasok at palabas ng NCR bubble kabilang ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal maliban lamang sa mahahalagang biyahe at emergency o pagbiyahe sa loob lang din ng mga lugar na kasama sa ‘bubble.’
(MICKA BAUTISTA)