NAHAHARAP sa patong-patong na mga kaso ang dalawang lalaki makaraang masita sa inilatag na quarantine checkpoint sa boundary ng mga lungsod ng Caloocan at Meycauayan, sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Bernardo Pagaduan, hepe ng Meycauayan City Police Station (CPS), kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang dalawang suspek na sina Aldrin Dabu at Richie Lachica, mga factory worker.
Nabatid na nitong Lunes ng madaling araw, pinahinto ng mga operatiba ng Meycauayan CPS ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo dahil walang suot na helmet matapos dumaan sa quarantine checkpoint na nagsasagawa ng Oplan Sita sa boundary ng lungsod ng Caloocan at Brgy. Bahay-Pare, sa lungsod ng Meycauayan.
Dahil may nilabag na batas, hindi na nakapalag ang dalawa ngunit habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ay nakitaan nila ng isang pakete ng marijuana, isang bote ng gin, at plastic tube pipe na may residue ng marijuana.
Kasalukuyang nakadetine sa Meycauayan CPS custodial facility ang dalawang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa ipinaiiral na health protocols ng gobyerno.
(MICKA BAUTISTA)