Sunday , December 22 2024

May tumawag ba kay Duque ng stupid?

ANG biglaang pagdami ng nagkakahawaan ng coronavirus disease (CoVid-19) sa bansa ngayong buwan ay pangunahing isinisisi sa kawalang-ingat ng mga Pinoy sa pagtalima sa minimum health standards. Naniniwala ang World Health Organization na masyado tayong nadala ng “vaccine optimism” kaya nawala ang ating atensiyon sa tuloy-tuloy na pag-iwas na mahawa sa virus hanggang sa herd immunity – ang target na mabakunahan ang 70-80 milyon ng populasyon — ay tuluyang maisakatuparan.

Pero ano ang ibig sabihin ng kinatawan ng WHO sa Filipinas, si Dr. Rabindra Abeyasinghe, sa nabanggit niyang vaccine optimism? Ito ay ang maling paniniwala na ngayong nagsimula na ang pagbabakuna sa bansa, ang tsansang magkahawahaan ng CoVid-19 sa mga pampublikong lugar ay mas maliit na kompara sa dati. Nangangahulugang isa itong mali at napaagang selebrasyon na magbabalik nang muli sa dati ang ating mga buhay dahil sa pagdating ng bakuna sa bansa.

Habang isinusulat ang kolum na ito, nasa 0.26 porsiyento pa lang ng populasyon – o sa mas tumpak na konteksto, nasa 269,000 lang sa 1.7 milyong health workers sa bansa – ang nabakunahan. Ibig sabihin, ang sinumang nakasasalamuha natin sa labas ng bahay ay posibleng nagtataglay ng virus, maliban sa dalawa sa bawat 10 health care workers. Dapat nitong ipaalala sa atin na patuloy tayong tumalima sa minimum public health standards sa lahat ng oras.

***

Noong nakaraang linggo, pinuna na ng kolum na ito ang napakabagal na pag-usad ng pambansang programa sa pagbabakuna kontra CoVid-19. Siyempre pa, wala tayong maaasahang paghingi ng paumanhin mula sa mga opisyal natin na pangunahing tumutugon sa pandemya, pero kinompirma ng vaccine czar na si Carlito Galvez,, Jr., hindi man deretsahan, na mayroon tayong kakapiranggot na supply ng bakuna kontra CoVid-19 sa ngayon. Gayonman, nangako siyang nakapag-order na tayo at kapag nagsidating na ang bultu-bultong bakuna simula sa Abril, asahan na raw na makapagbabakuna na ng isa hanggang tatlong milyong katao kada linggo. Sana lang ay nakatutupad siya sa kanyang mga ipinapangako.

***

Sa ngayon, umasa tayong ang estriktong GCQ o general community quarantine status na ipinatutupad muli sa Metro Manila, gayondin sa mga karatig-lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna, ay makapagbabawas sa napakaraming bagong kaso ng CoVid-19 na naitatala sa bansa sa nakalipas na mga linggo. Nitong weekend lamang, naitala natin ang pinakamalaking dalawang-araw na tally ng mga bagong dinapuan ng CoVid-19 sa kasaysayan, na pumalo sa 15,756. Bukod sa pag-asam, mahalagang makipagtulungan tayo sa sarili nating paraan upang maiwasan ang paglobo ng bilang ng mga bagong kaso.

***

Nakalulungkot namang ang kalihim ng Department of Health ay kumikilos na naman na parang “stupid,” – ito ay kung tama ang intindi ko sa tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin nitong weekend. Ang natitiyak ko lang ay may draft order si DOH Sec. Francisco Duque III na nagbabawal sa partikular na grupo ng mga kompanya – karamihan ay may kinalaman ang negosyo sa produksiyon ng mga ‘makasalanang’ produkto, milk formula, at sweetened drinks at beverages – na bumili ng bakuna kontra CoVid-19 para sa mga empleyado nito.

Kaagad na sinita ng mga mambabatas ang plano ni Duque na isama ang draft order niyang ito sa implementing rules and regulations (IRR) ng CoVid-19 Vaccination Program Act (RA 11525) at tinawag itong “discriminatory.” Para sa akin, pasista ang tawag dito.

Sa ilalim ng bagong batas, ang mga pribadong kompanya ay maaaring bumili ng bakuna sa pakikipag-ugnayan sa DOH. Sa kasong ito, hinahadlangan ni Duque ang karapatan ng ilang pribadong kompanya na makatulong sa pagsugpo sa pandemya sa pamamagitan ng pagbabakuna sa sarili nitong mga empleyado. Gaano kawalang malasakit sa tao ang ginawa niyang ito?

Sabihin na nating naisip niya ito dahil ang mga kompanyang ito ay gumagawa ng mga produktong tulad ng sigarilyo, alak, at milk formula, na taliwas sa interes ng kalusugang pampubliko. Pero anong kapakanan ng publiko ang isinusulong niya sa pagkakait niya sa libo-libong manggagawa ng mga kompanyang ito – lahat ay katuwang sa pagbangon ng ating ekonomiya – ng bakunang magbibigay ng proteksiyon sa kanilang mga buhay sa panahon ng pandemya?

Sa pagpapalabas ng nabanggit na administrative order, sinasabotahe ni Duque ang pangunahing layunin ng probisyon ng public-private partnership sa batas ng pagbabakuna na ipinasa ng Kongreso. Isinasara niya ang pintuan sa ilang industriya na handang maglaan ng sariling pondo upang tulungan ang gobyerno na makakuha ng sapat na bakunang kinakailangan ng publiko nang hindi na madagdagan pa ang inuutang mula sa mga pandaigdigang financial institutions.

Sa palagay ko, nauunawaan ko si Sec. Locsin noong unang beses na nabasa ko ang kanyang tweet. Aba’y “stupid” nga!

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *