ARESTADO ang tatlong hinihinalang notoryus na tulak ng ipinagbabawal na gamot sa magkasunod na anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Lunes, 15 Enero.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang tatlong suspek na sina Mark Anthony Menes, alyas Chinito, residente sa Brgy. Lambakin, bayan ng Marilao; Romeo Romagoza, alyas Don-Don, ng Brgy. Malamig, bayan ng Bustos, kabilang sa PDEA-PNP Unified Drug Watchlist; at isang 16-anyos, residente sa Brgy. Bonga Menor, sa bayan ng Bustos.
Dinakip ang tatlong suspek sa ikinasang anti-illegal drug operations ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Marilao at Bustos Municipal Police Station (MPS).
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu at tatlong sachets ng pinatuyong dahon ng marijuana na dinala sa Bulacan Crime Laboratory Office para sa pagsusuri.
Inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek samantala ilalagay ang menor de edad sa pangangalaga ng Bustos Municipal Social Welfare and Development para sa pagtatasa o assessment. (MICKA BAUTISTA)