PERSONAL na sinaksihan ni Gob. Daniel Fernando ang demonstrasyon ng DJI Agras T16 drone sprayer kahapon ng umaga, 14 Marso, at hinikayat ang mga magsasaka na napeste ng brown plant hoppers (BPH) sa Brgy. Dulong Malabon, sa bayan ng Pulilan, na lumipat sa digital precision farming mula sa tradisyonal na pagsasaka.
Aniya, maraming kapakinabangan ang paglipat dito na makatutulong upang mapataas ang ani ng mga magsasaka.
“Ito’y part ng ating Farmer’s Training School na itatayo kasi kailangan natin talagang lumaban not only here in the Philippines but globally. Itong ipinakita sa atin, isa ito sa magiging katulong ng magsasaka. ‘Yung mga dinapuan ng brown plant hopper, ngayon mas marami, ‘yung problema natin sa sakahan natin talagang lumalawak, kailangan naman dagdagan natin ‘yung technology natin,” ani Fernando.
Idinagdag niya, bibili ang lalawigan ng dalawang drone na magagamit hindi lamang sa pagsasaka kundi maging sa disinfection laban sa CoVid-19.
Ayon kay Anthony Tan, founder at CEO ng New Hope Precision Agriculture Corporation, maraming benepisyo ang nasabing drone.
“Just imagine, 1 hectare takes 1 man a day to spray, this drone can do it in less than 10 minutes. The capacity is about 30 to 40 has per day, per unit and the price for the drone alone is P850k, full package could be around 1 to maybe P1.1 million. You can also be serviced by a licensed commercial applicator like new hope, our price per hectare is very reasonable P850 per hectare,” ani Tan.
Dagdag niya, “nakikita ng farmer na magagamit din ito sa sabog tanim. We can apply 15 kg-20 kg of hybrid sa isang ektarya, same drone, we just swap the tank and replace it with the broadcaster. It’s possible now na from the time you plant, until the time you harvest, ‘di mo na tatapakan ‘yung palayan.”
Bukod dito, inilahad ni Ma. Gloria SF. Carrillo, pinuno ng Provincial Agriculture Office, base sa tala, nasa 1,600 ektarya ang apektado ng BPH, green leaf hopper at iba pang peste at sakit sa pananim sa lalawigan.
“Nais ng ating gobernador na maipakita sa mga magsasaka ang kanyang pagnanais na mapagaan ang pamamaraan ng pagsasaka. Sa pamamagitan nito, we are moving forward sa digital precision farming na isa sa future ng agrikultura sa bansa at isa sa strategy ni Sec. William Dar. Naka-align tayo sa mga layunin ng DA,” paliwanag ni Carrillo.
Samantala, ibinahagi ni Deogracias Magtalas, pangulo ng Dulong Malabon Irrigators Association, ang kanilang karanasan sa mga peste.
“Mayroong nakaani sa ibang portion nito, mayroong 10 kaban, mayroong dalawang kaban, kasi pag severe talaga halos 80-90 percent nasisira. Usually, ang average kung inbred rice mga 100-120 cavans, ‘pag hybrid mga 250 cavans. Sa mahal ng labor ngayon sa pagsasaka minsan wala ka ng mahanap na laborer dahil sa mga pabrika, napakamura naman ng palay, mapepeste pa. Kung ganyan ang gagamitin, mas mabilis, kaya gob kailangan talaga ito ng mga magsasaka. Kung sa tao may CoVid, dito naman sa palayan ay may BPH,” ani Magtalas.
Ipinaliwanag ni Anthony David, Regional Crop Protection Center Region 3, kung paano nagkakaroon ng BPH at paano ito maiiwasan.
“Nagdudulot ang BPH ng hopper burn, ito po ‘yung pagkatuyot ng ating palay, tumataas ang populasyon nito base sa environment. May mga inire-recommend po tayong lason pero bukod do’n ‘yung cultural management muna bago tayo mag-resort sa lason dahil sa ngayon talagang nagiging health conscious tayo.
“Mahalaga ‘yung sabayang pagtatanim. Kailangan mag-conduct ng halinhinang pagpapatuyo at pagpapatubig ng ating palayan at paggamit ng mga variety na hindi susceptible sa BPH,” ani David.
(MICKA BAUTISTA)