TIKLO ang isa sa itinuturing na most wanted person ng Department of Interior and Local Government (DILG) na isang dating pulis sa manhunt operation na inilatag ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng hapon, 9 Marso.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang DILG’s most wanted na si Bernard Villena, dating miyembro ng PNP, nakatalaga sa Manila Police District (NCRPO) at residente sa Brgy. Bintog, sa bayan ng Plaridel, sa nabanggit na lalawigan.
Batay sa ulat, inilatag ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Unit (RIU) National Capital Region (NCR), TSD-Intelligence Group, RIU 3, CID-IMEG at Plaridel Municipal Police Station (MPS) ang manhunt operation sa naturang lugar laban kay Villena sa bisa ng warrant of arrest sa tatlong bilang ng kasong Rape na inisyu ni Hon. Mateo B. Altajeros, presiding judge ng Branch 16, Family Court, RTC Valenzuela City.
Napag-alamang matapos akusahan si Villena na ginahasa ang sariling anak na noon ay 12-anyos sa lungsod ng Valenzuela ay itiniwalag na sa PNP at nagpakatago-tago sa batas hanggang matunton ang kinaroroonan sa Plaridel.
Nasa ilalim na ngayon ng kustodiya ng RIU NCR-Intelligence Group ang dating pulis para sa kaukulang disposisyon.
(MICKA BAUTISTA)