NAIS ng Department of Transportation (DOT) na mapakinabangan na ng publiko ang PNR Clark Phase 1 project sa huling bahagi ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Transport Secretary Arthur Tugade, sa ngayon ay 43 porsiyento na ang progreso ng konstruksiyon ng nasabing linya mula Tutuban hanggang lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
“We have a lot of catching up to do with so little time left. Itong proyekto na ito, gusto ko, agad ‘yang mapakinabangan ng tao. That’s why I have been pushing, and pressuring the Railway sector really hard to fast-track the construction works in the best way possible,” anang kalihim ng DOT.
Kapag natapos ang Phase 1, ang biyahe mula sa Tutuban hanggang Malolos ay aabot na lamang ng 30 minuto mula sa kasalukuyang 1 ½ oras at kaya rin agsakay ng 330,000 pasahero bawat araw.
Samantala, sinabi ni Philippine National Railways (PNR)) General Manager Jun Magno, inaasahan nilang sa second quarter ng taong 2024 magagamit ang buong linyang mag-uugnay sa Tutuban at Clark sa lalawigan ng Pampanga.
Sa kabuuan, sinabi ni Magno, ang buong linya ng PNR Clark Project ay 28 porsiyento na ang natatapos. (MICKA BAUTISTA)