MATAPOS ang maingat na pagpaplano at paghahanda para sa pagdating ng mga bakuna, naglaan ang Department of Health Regional Office III (DOH-3) ng 900 doses ng CoVid-19 vaccines mula sa drugmaker na Sinovac Biotech sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 7 Marso.
Dinala ang mga bakuna sa itinalagang cold storage room sa lalawigan na matatagpuan sa Isidoro Torres Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, na kinaroroonan din ang main vaccination site.
Kabilang sa pangunahing tatanggap ng mga bakuna ang 833 health workers mula sa Bulacan Medical Center na 86% sa kanila ang pumayag magpabakuna habang ang mga natitirang bakuna ay ilalaan sa health workers mula sa mga district hospital, at mga empleyado ng Provincial Health Office – Public Health (PHO-PH) at iba pang frontliners.
Sinabi ni Gobernador Daniel Fernando, layunin ng pamahalaang panlalawigan na makapagbakuna ng 300 indibidwal kada araw.
“Lahat ng mga plano na inihanda ng ating lalawigan ay unti-unti nang maisasakatuparan. Sa pagdating po ng mga CoVid-19 vaccine, inaasahang makapagbabakuna ng may kabuuang 300 indibidawal bawat araw sa tulong ng mga itinalagang vaccination teams.
Magtiwala po tayo sa Maykapal at humingi ng gabay para sa kaligtasan at ikabubuti ng ating mga kalalawigan at ng buong bansa,” anang gobernador.
Nagsimula ang aktwal na pagbabakuna kahapon, Lunes, habang patuloy pa rin ang PHO-PH sa pagsasagawa ng information drive upang hikayatin ang mga Bulakenyo, lalo ang health workers at frontliners, na magpabakuna.
Mayroon din mga itinalagang safety marshal at officers sa vaccination center upang gabayan ang mga indibidwal na magpapabakuna at mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Kamakailan lamang, bumisita ang mga kinatawan ng Central Luzon Center for Health Development sa lalawigan upang suriin ang vaccination plan na inihanda ng pamahalaang panlalawigan at pinuri ang kahandaan sa pagdating ng mga bakuna.
(MICKA BAUTISTA)