HINDI lamang sa Maynila may nangyayaring pagdukot sa mga pulis, maging sa lalawigan ng Bulacan ay may naganap na kahalintulad na insidente.
Naglabas ng kautusan si PRO3 Regional Director P/BGen. Valeriano de Leon sa mga miyembro ng Bulacan police na magsagawa ng masinsinang imbestigasyon at malalimang pagsisiyasat sa sinasabing pagdukot kay P/Cpl. Nikkol Jhon Santos, kasalukuyang nakatalaga sa Pandi MPS, nitong Biyernes, 5 Marso.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na dakong 7:00 am noong Biyernes, hinarang ng isang puting Starex Gold van sina P/Cpl. Santos at dalawang kasamang kinilalang sina Sammy Bedunia at Rolando Beltran, habang sakay ng dalawang motorsiklo at binabagtas ang lansangan ng Sitio Padling, Brgy. Matictic, sa bayan ng Norzagaray, sa naturang lalawigan.
Nabatid na bumaba sa sasakyan ang mga kalalakihang armado ng mahahabang baril at pinigilan sila kasunod ng pagtutok ng mga armas saka inutusang dumapa sa lupa saka pinosasan.
Pagkatapos nito, kinaladkad ng mga suspek ang biktima sa loob ng van at saka tumakas sa hindi pa matiyak na direksiyon habang iniwang nakaposas ang dalawang kasama ni Santos.
Matatandaang isang ahente ng PDEA ang pinaslang ng mga armadong lalaki sa lungsod ng San Jose del Monte noong 23 Pebrero, kung saan isang puting van din ang ginamit na back up at getaway vehicle ng mga suspek.
(MICKA BAUTISTA)