HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang nagbebenta ng droga habang nadakip ang dalawa pang tulak sa magkakasunod na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Martes, 23 Pebrero.
Batay sa ulat na isinumite kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang napatay na suspek na si Joseph Timblique, alyas Pingping.
Nabatid na dakong 6:30 pm kamakalawa, nagkasa ng buy bust operation ang mga elemento ng Marilao Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Loma De Gato, sa bayan ng Marilao, sa naturang lalawigan laban kay alyas Pingping.
Matapos ang napagkasunduang transaksiyon, nakatunog ang suspek na ang katrato niya ay police officer kaya agad bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis ngunit mabilis na nakakubli at gumanti ng putok na nagresulta sa kamatayan ni alyas Pingping.
Sa hiwalay na operasyon, arestado ang dalawa pang drug suspects ng mga tauhan ng Bocaue MPS at Sta. Maria MPS sa ikinasang anti-illegal drug operations.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Joel Valdez, residente sa Brgy. Bulac, sa bayan ng Sta. Maria; at Lawrence San Pedrom residente sa Brgy. Bambang, sa bayan ng Bocaue.
Nasamsam ang 10 selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu at buy bust money mula sa dalawang suspek na nakatakdang sampahan ng kaso sa hukuman.
(MICKA BAUTISTA)