ISANG dating pulis, may ranggong senior police officer 4 (SPO4) ang niratrat sa mukha ng limang suspek, habang kumakain sa isang kilalang restaurant na malapit sa city hall sa San Jose del Monte City, Bulacan, kahapon, Martes ng umaga, 23 Pebrero.
Kinilala ang biktimang si Alejandro Liwanag, alyas Gerry, kilalang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sinabing naninirahan sa Brgy. Gaya-Gaya, sa naturang lungsod.
Sa ulat, naghihintay ng hearing sa korte dakong 9:00 am kahapon ang biktima, kaugnay umano ng mga hawak na kaso, nang naisipan ng asawang si Vanessa Gerona Liwanag na kumain muna sa Kubo sa Bayan, isang restaurant malapit sa city hall.
Habang kumakain ang mag-asawa, biglang dumating ang mga suspek na nakasuot ng bonnet sakay ng motorsiklo, bumaba ang magkakaangkas at pinaulanan ng bala ng kalibre .45 baril ang biktima.
Sa imbestigasyon, nabatid na 13 bala ng naturang baril ang tumamang lahat sa mukha ng biktima na tumapos sa kanyang buhay.
Ayon sa ilang nakasaksi sa krimen, may backup na puting van ang mga suspek na kasamang tumakas matapos ang pamamaril.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek ng mga kagawad ng SJDM City Police Station (CPS).
Noong 2018, kabilang si Alejandro sa mga pulis na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) na umano’y sangkot sa pagpuslit ng P11-bilyong halaga shabu.
Ito ang pamosong shabu sa magnetic filter na nakalusot sa Bureau of Customs.
Kasama ni Liwanag sa asunto sina Senior Supt. Eduardo Acierto, Senior Supt. Leonardo Suan, Senior Supt. Lorenzo Basha, P/Insp. Lito Perote, at P/Insp. Conrado Caragdag.
(MICKA BAUTISTA)