NAGRESULTA sa pagkamatay ng anim na suspek at pagkakadakip ng 255 indibidwal ang isang linggong Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng Bulacan PNP mula 15-21 Pebrero sa lalawigan.
Sa pahayag ni Bulacan police director P/Col. Lawrence Cajipe, ang 166 pinagsamang operasyon ng 21 municipal at tatlong city police stations kabilang ang Bulacan 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ay nagresulta sa pagkakaaresto ng 255 indibidwal at pagkakapatay sa anim na suspek.
Sa ikinasang 81 Manhunt Charlie operation laban sa wanted persons, timbog ang may kabuuang 81 suspek, isa sa kanila ay most wanted person (MWP) ng lungsod ng San Jose Del Monte sa kasong robbery, habang isa ang napatay.
Nagresulta ang 46 anti-illegal drugs operations sa pagkakadakip ng 74 drug suspects habang tatlo ang napaslang na drug personalities.
Nasamsam sa operasyon ang may kabuuang 216 sachets ng hinihilang shabu na tinatayang may timbang na 31.2 gramo at Dangerous Drug Board (DDB) value na P212,160, at 17 sachets ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may timbang na 15.15 gramo at DDB value na P1,818, dalawang caliber .38 at isang caliber .22 mga baril.
Samantala, naisuko sa mga awtoridad ang limang baril sa ilalim ng “Oplan Katok” laban sa loose firearms.
Nadakip din ang 13 indibidwal art napaslang ang dalawang suspek sa pagsisilbi ng 19 search warrants kung saan nasamsam ng mga awtrodiad ang 17 baril at isang pampasabog.
Gayon din sa 13 ikinasang anti-illegal gambling operations, naaresto ang 53 katao at nasamsam mula sa kanila ang sari-saring gambling paraphernalia at P29,783 cash bet money.
Dagdag rito ang 21 suspek na nalambat sa illegal fishing at illegal logging, 11 ang nasakote sa paglabag sa PD 1865 (Illegal Trade of Petroleum products) at dalawa ang natiklo sa pagtugon ng pulisya sa krimen.
Lumilitaw, sa tagumpay na ito ng Bulacan police sa Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO), nagpapakita na hindi sila nagpapabaya sa pagsisikap na ipatupad ang mahigpit na kampanya laban sa wanted persons, illegal drugs, loose firearms, illegal gambling at iba pang lawless activities sa lalawigan.
(MICKA BAUTISTA)