NAPASLANG ang isang hinihinalang miyembro ng isang talamak na criminal gun-for-hire gang nang kumasa at makipagbarilan sa mga awtoridad na magsisilbi ng search warrant sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng umaga, 21 Pebrero.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang napatay na suspek na si Gilbert Cruz, residente sa Riverside 2 Brgy. Bubulong Malaki, sa naturang bayan.
Batay sa ulat na ipinadala ni Bulacan Intelligence Chief P/Maj. Jansky Andrew Jaafar, magkasamang isinilbi ng Provincial Intelligence Unit at San Ildefonso MPS ang search warrant na inisyu ni Judge Albert R. Fonacier, 1st Vice Executive Judge Branch 76, Malolos City, laban sa suspek sa kanyang bahay sa naturang barangay.
Habang kumakatok ang tropa sa bahay, sunod-sunod na nagpaputok ng baril ang suspek galing sa loob ng bahay kaya agad nagsikubli ang mga operatiba.
Dito nagkaroon ng palitan ng putok sa magkabilang panig na ikinamatay ng armadong suspek. Sa kabutihang palad ay walang nasaktan sa kanyang mga kasama sa bahay.
Nakuha mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 pistola, tatlong magasin ng kalibre .45 pistola, tatlong magasin ng kalibre 5.56 rifle, mga basyo, at iba’t ibang klase ng bala.
Lumilitaw sa imbestigasyon, si Cruz ay unlisted member ng Viray Group at sinasabing pinsan ni Michael Delos Reyes, na isa rin notoryus na miyembro ng grupo.
Napag-alaman, isang gun-for-hire ang suspek na kumikilos sa ikatlong distrito ng Bulacan, at mga lalawigan ng Nueva Ecija at Pampanga.
(MICKA BAUTISTA)