PAIIMBESTIGAHAN ang isang grupo ng basketball vloggers dahil sa paglalaro at pagdayo sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan sa kabila ng suspensiyon ng contact sports habang may pandemyang dulot ng CoVid-19.
Napag-alamang may lumabas na video ang grupong Mavs Phenomenal Basketball, isang grupo ng basketball vloggers, na naglaro ng three-on-three game sa isang half court sa bayan ng Guiguinto habang walang facemask ang mga manonood.
Mayroong higit kalahating milyong views ang video sa YouTube matapos i-upload, anim na araw ang nakararaan.
Sinasabing bahagi ito ng “Dayo Series” ng Mavs Phenomenal Basketball, na may 1.69 milyong subscribers ngunit ayon kay Jan Bonnel Buhain, “Hindi ko po sinasabing may nalabag sila pero sinasabi ko po na ako ay nagtataka na paano po nila ito nagagawa?”
Nagulat umano maging si Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz, Jr., kung paano ito nangyari dahil aniya ay napakahigpit ng kanilang kautusan na wala munang contact sports lalo basketball na kinalolokohan ng mga Filipino lalo ng mga kabataan.
Natukoy ni Mayor Cruz ang lugar na pinagdausan ng three-on-three basketball, ang pribadong Bernardo Court sa Brgy. Tabang, sa naturang bayan.
Ayon sa alkalde, hindi alam maging ng kapitan ng naturang barangay ang ginanap na basketball event kaya ipahahanap niya ang mga kalahok dito at pagmumultahin ng P1,000 dahil sa paglabag sa health protocols.
Inatasan din ng alkalde ang hepe ng Guiguinto police na imbestigahan ang pangyayari at kung mapatunayang lumabag ang mga sangkot ay maaari silang makulong.
Napag-alaman na ang naturang grupo ay nakapaglaro na rin sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan.
(MICKA BAUTISTA)