TULUYAN nang ibinasura ng Supreme Court (SC) bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang electoral protest na inihain ng natalong kandidatong si Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon mismo kay SC Spokesperson Brian Keith Hosaka nitong Martes, 16 Pebrero, “7 members fully concurred with the dismissal and 8 concurred only with the result.”
Pagkatapos ng limang taon, humantong din sa pagkatalo ang lahat.
Ipinakita lang siguro ni dating senador Bongbong Marcos na hindi siya ganoon kadaling tumanggap ng pagkatalo.
At sa panig naman ni Bise Presidente Leni Robredo, ipinakita rin niya at ipinagtanggol na siya ay marangal na nanalo sa nasabing halalan.
Pagkatapos nga naman ng limang taon, at halos isang taon na lang ang nalalabi sa panunungkulan ng bise presidente, dapat na rin tanggapin ni Mr. Marcos ang kanyang pagkatalo.
Sabi nga ni VP Leni, hanggang sa kasalukuyan ay mukhang bodega pa rin ang kanyang opisina dahil habang inaasikaso nila ang paghahanda para sa kanyang legal battle sa PET, tuloy-tuloy ang pagganap niya sa tungkulin bilang bise presidente.
Tuloy-tuloy ang pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad, gaya ng bagyo, lindol, at pagputok ng bulkan hanggang dumating ang pandemyang CoVid-19.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga tumulong sa kanya para magpatagumpayan ang laban.
Nahalal nga naman siya pero dahil kinuwestiyon ay kailangan pa niyang patunayan.
Pero sa isang banda, dito napatunayan ni VP Leni na siya talaga ang nanalong bise presidente ng bansa.
Sa panig naman ni dating senador Marcos, palagay natin ay panahon na para ipakita niyang siya ay isang tunay na maginoo. Tanggapin niya ang pagkatalo.
Hindi naman ang 2016 ang huling eleksiyon sa Filipinas. Katunayan, ilang buwan na lang at 2022 na — piyesta opisyal — ‘este eleksiyon na naman.
Puwede naman siyang tumakbo ulit bilang bise presidente.
‘Yun nga lang kailangan na niyang pagsikapan na masungkit niya ang panalo.
Naniniwala naman tayo na marunong tumanggap ng pagkatalo si BBM dahil marami pang susunod na eleksiyon sa bansa.
Puwede rin siyang tumakbong senador o congressman kaya? O kaya ay gobernador. Sabi nga hindi mauubusan ng puwesto ang mga Marcos sa sistema ng politika sa bansa.
Kailangan lang na maging masipag sa kampanya at tiyakin ang panalo.
Kay VP Leni, pagbati sa inyong matamis na tagumpay.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap