IMINUNGKAHI ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng sertipikasyon at gawing prayoridad ang pag-amyenda sa Anti-Trafficking in Persons Act upang palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).
Sa paggunita ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, sinabi ni SOJ Guevarra, isinumite nila sa Pangulo ang kanilang rekomendasyon para sa suportang gagawin ng pamahalaan sa OSEC.
Isa na nga rito ang pag-amyenda sa batas na nauukol sa Anti-Trafficking in Persons Act na magbibigay ng ‘exemption’ sa mga probisyon ng “Anti-Wire Tapping Law.”
Inihahanda ng DOJ ang pagsusumite ng isang executive order na pipirmahan ni Pangulong Duterte para gawing mas matibay ang koordinasyon sa pagitan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ng Inter-Agency Council Against Child Pornography (IACACP).
Sa kasalukuyan, ang IACAT ay pinamumunuan ni DOJ Secretary Menardo Guevarra habang ang IACACP ay nasa pangangalaga ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista.
Kasama sa plano ni Guevarra ang pagdaragdag ng kanilang tauhan at bigyan ng sapat na pondo para suportahan ang IACAT.
Isinangguni ng DOJ sa Pangulo na pagkalooban ng kapangyarihang magpataw ng parusa ang National Telecommunications Commission sa mga Internet Service Providers (ISP) na hindi makatutupad sa kanilang tungkulin na sundin ang mga probisyon ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.
Sa ilalim ng RA 9775, sinasabi na ang mga ISP ay may tungkulin na ipagbigay-alam sa Philippine National Police (PNP) o sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga makukuha nitong impormasyon sa kanilang servers tungkol sa child pornography. Ito ay tatagal o may bisa lamang na pitong araw mula sa pagkalap ng kanilang impormasyon na isusumite sa nabanggit na dalawang law enforcement agencies.
Kinakailangang sapat at sariwa ang mga ebidensiyang gagamitin para sa imbestigasyon at prosekusyon.
Sa mga darating na araw ay aabangan natin ang mga kaganapan kung swak ba ito kay Pangulong Digong!
ANTI-WIRETAPPING
LAW IKINAKASA NA
KUNG sakaling maipatutupad ang ‘exemptions’ sa Anti-Wiretapping Law, hindi maiaalis na mag-isip ang ilang mamamayan kung gaano kalawak ang gagawing panghihimasok sa ‘privacy’ ng bawat indibiduwal?
Hindi maiiwasang mangamba ang mga mamamayan, kung ang wiretapping, kahit sabihin pang bukod-tanging isusulong laban sa child pornography at prostitusyon gagamitin.
Ngayon pa lamang ay may nababalitaan na tayong ginagawang wiretapping ang law enforcement agencies gaya ng PNP, AFP, at NBI upang kumuha ng impormasyon sa kanilang subjects o suspects.
Kahit hindi pa ito pinapayagan o kinakatigan ngayon sa korte, posibleng sa mga darating na araw kung maaaprobahan ang gustong mangyari ng DOJ ay hindi maiiwasang mangamba ang marami.
Naisip kaya ng DOJ na kung luluwagan ang batas tungkol sa wiretapping ay puwede itong pagsamantalahan at maabuso ng may mga kapabilidad sa teknolohiya?
Alam naman natin kung gaano katinik ang mga ‘hacker’ sa panahong ito lalo pa’t nandito ngayon ang mga banyagang pawang IT experts o kahit pa nga ang mga Pinoy na computer experts. Hindi imposible na makagawa sila ng paraan para kopyahin ang teknolohiya para sa wiretapping.
Puwede nila itong paglaruan o ‘di kaya ay ibenta sa mga interesadong makinig ng usapan sa ibang linya nang sa gayon ay makakuha ng impormasyon sa isang organisasyon o maging sa ilang matataas na tao.
Alam naman natin kung paano maglaro ang utak ni ‘Pedro,’ baka gawin pa itong pang-blackmail at ipanakot.
Sa panig naman ng gobyerno, puwede itong magamit ng kanilang kalaban sa politika.
E ‘di nag-backfire pa sa kanila!
Kung tayo ang tatanungin, mas epektibo siguro na idaan sa proseso gaya ng paghingi ng ‘court order’ bago isagawa ang invasion sa privacy ng isang ‘suspek’ nang sa gayon ay hindi maging accessible sa lahat ang ‘extrajudicial’ wiretapping na ‘yan!
By the way, for sure ngayon pa lang ay iinit na ang ‘wetpaks’ ng human traffickers diyan sa airport.
Sa rami ng nagpa-facilitate sa departures ng mga turista upang magtrabaho sa ibang bansa, gaya ni IO Cawatan ‘este’ Cutaran na sandamakmak ang pinatakas na mga turistang Pinay papuntang Saudi Arabia, Dubai, at Lebanon?!
Ang tanong, mananahimik kaya ang mga tulisan sa airport sa oras na ipatupad ang panibagong provisions sa Anti-Wire Tapping Law?
Bantayan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap