ISANG babaeng nagpakilalang piscal at nanghihingi ng perang pang-areglo ng isang may kaso ang nadakip sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad, nitong Biyernes ng hapon, 12 Pebrero, sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang extortionist na si Hazel Victoria, residente sa Brgy. Balite, sa naturang bayan.
Batay sa ulat, nagpanggap ang suspek na siya si Fiscal Michael Cruz mula sa Office of the Provincial Prosecutor sa lungsod ng Malolos, sa nabanggit na lalawigan, at nanghingi umano ng perang halagang P20,000 sa hindi pinangalanang biktima kapalit ng paglaya ng kapatid na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng RA 9165 at kasalukuyang nakakulong sa San Miguel Municipal Police Station (MPS).
Dahil kinutuban ang biktima, isinumbong niya ang suspek sa tanggapan ng San Miguel MPS at nang makuha ang impormasyon ay agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba.
Napag-alamang nagsara ang usapan ng suspek at biktima sa bahay ng huli sa Brgy. Pulong Bayabas, sa naturang bayan, at ibibigay na ang hinihinging halagang P20,000.
Dito na ikinasa ng mga operatiba ng San Miguel MPS ang entrapment operation dakong 4:20 pm noong Biyernes na nagresulta sa pagkaaresto ng pekeng piskal.
(MICKA BAUTISTA)