MAGKAKASUNOD na nadakip ang pitong lalaking sangkot sa ipinagbabawal na droga sa pinaigting na anti-crime drive ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 14 Pebrero.
Sa ulat kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, sunod-sunod na naaresto ang limang hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy bust operations ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Units ng Obando, Plaridel, San Ildefonso at Paombong Municipal Police Stations.
Kinilala ang naunang limang arestadong suspek na sina Tristan Santos ng Brgy. Panghulo, Obando; Albino Villafuerte ng Brgy. Lalangan, Plaridel; Miguel Caine Cruz, at Peter Joshua Manansala, kapwa ng Brgy. Anyatam, San Ildefonso; at Rolando Delos Reyes, mula sa Brgy. San Isidro 1, Paombong, pawang sa lalawigan Bulacan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 11 selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu, apat na plastic sachets ng marijuana, at buy bust money.
Samantala, sa inilatag na “Oplan Salubong Madaanan” ng mga tauhan ng Malolos City Police Station (CPS), timbog ang dalawang lalaki dahil sa pag-iingat ng ilegal na droga sa Brgy. Bulihan, sa lungsod ng Malolos.
Nabatid na pinahinto ng mga operatiba ang motorsiklong minamaneho ni Albert Mariñas at isang 16-anyos menor de-edad, kapwa residente sa Brgy. Liang, sa naturang lungsod, dahil wala silang suot na helmet.
Ngunit imbes tumigil ay pinaharurot ng mga suspek ang kanilang motorsiklo papunta sa direksiyon ng Capitol View Park kung saan sila nakorner ng mga awtoridad.
Sa pagkapkap sa dalawa, nasamsam kay Albert Mariñas ang isang maliit na plastic na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana.
Dinala ang mga nasamsam na ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory para sa pagsusuri samantala inihahanda ng mga awtoridad ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)