IPINAHAYAG ni Bulacan Governor Daniel Fernando nitong Huwebes, 11 Pebrero, na hindi kukulangin sa 833 tauhan ng Bulacan Medical Center ang kinilala bilang prayoridad o unang tatanggap ng CoVid-19 vaccines.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Fernando, sila ang unang grupo na tatanggap ng vaccine sa lalawigan.
“Na-identify natin at nai-profile ang 833 empleyado ng Bulacan Medical Center na mapapabilang sa unang batch na mababakunahan,” ayon sa gobernador.
Dagdag ni Fernando, ang provincial government ay patuloy na tinatapos ang listahan ng prayoridad sa vaccination na kabibilangan ng maraming healthcare workers sa mga pampubliko at pribadong pagamutan gayondin ang mga barangay health centers.
“Patuloy din pong kinokompleto ang listahan ng iba’t iba pang frontline health workers po natin,” pahayag niya.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, 117,000 doses ng CoVid-19 vaccines mula sa Pfizer-BioNTech sa ilalim ng COVAX facility ang unang darating sa bansa.
Inilalaan ang unang batch ng vaccine para sa mga tauhan ng mga ospital na sanggunian ng CoVid-19 tulad ng Philippine General Hospital (PGH) sa lungsod ng Maynila at Lung Center of the Philippines sa lungsod ng Quezon.
(MICKA BAUTISTA)