ISANG lalaking hinihinalang nagnanakaw sa kompanya ng fiber optic cable at copper wires na kanyang pinagtatrabahuan saka inilalako sa online selling, ang nadakip sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes, 29 Enero.
Sa ulat mula sa Sta. Maria Municipal Police Station (MPS), kinilala ang suspek na si John Erick Ochoa, residente ng Brgy. Guyong, sa naturang bayan.
Natimbog ang suspek sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Santa Maria MPS sa Sitio Kayrumit II, sa naturang lugar.
Napag-alamang nagtatrabaho ang suspek sa isang kompanya ng fiber optic cable at copper wires na kanyang pinagnanakawan at saka ibinebenta sa online.
Matapos makarating ang reklamo sa tanggapan ng Sta. Maria MPS, nagsagawa ng entrapment operation laban sa suspek.
Kumagat ang suspek sa patibong ng mga awtoridad at nakipagtransaksiyon sa Sitio Kayrumit II kung saan siya nakorner.
Nakompiska sa suspek ang 45 kahon ng fiber optic cable at 17 rolyo ng copper wire na tinatayang nagkakahalaga ng P171,774.77.
(MICKA BAUTISTA)