NADAKIP ang tatlong sugarol sa ikinasang anti-illegal gambling operations ng mga tauhan ng Malolos City Police Station (CPS) sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 30 Enero.
Sa ulat na ipinadala ng Malolos CPS kay Bulacan police director P/Col. Lawrence Cajipe, kinialala ang mga nadakip na suspek na sina Jayson Teodoro ng Purok 1, Brgy. Dakila; Rhesie Dauba ng Brgy. Ligas; at Gina Diaz ng Brgy. Bungahan, pawang sa lungsod ng Malolos.
Ayon sa ulat, ipinarating sa tanggapan ng Malolos CPS ang araw-gabing sugalan sa Brgy. Ligas na dinarayo ng mga ‘manlalaro’ mula sa iba’t ibang barangay.
Agad nagkasa ng anti-illegal gambling operation ang mga awtoridad hanggang maaktohan ang tatlong suspek na nagsusugal ng tong-its.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang set ng baraha (playing cards) at bet money na nagkakahalaga ng P530 cash sa iba’t ibang denominasyon.
(M. BAUTISTA)