Sunday , December 22 2024

Ekonomiya o kalusugan

NAGAGAWANG panindigan ng gobyerno ang laban nito kontra CoVid-19, pero nag-iiba na ang estratehiya, na nakatuon na ngayon sa pagsasalba sa naghihingalong ekonomiya kaysa protektahan ang mga bata at matatandang mamamayan mula sa panganib na mahawa sa nakamamatay na virus. Ganito ang basa ko sa naging pasya ng pamahalaan na payagan nang lumabas ng bahay ang mga edad 10-14 anyos simula sa susunod na buwan.

Pakonsuwelo na lang na ang desisyong ito ay hindi inililihim na tulad ng presyohan ng mga biniling bakuna kontra CoVid-19. Pero sa paraan ng pagpapasakalye ng mga awtoridad sa plano nilang ito, tulad ng “pagbabalanse ng kalusugan at ekonomiya” medyo nakalilito, kung hindi man malabo, ang gustong ipahiwatig nito para sa akin.

Malinaw sa akin ang kaprangkahan ng Department of Trade and Industry (DTI), ng National Economic Development Authority (NEDA), at ng buong Economic Cluster ng Gabinete nang sabihin nilang mahalaga ang paggastos ng pami-pamilya para mapasigla ang nananamlay pa rin nating ekonomiya. Hindi rin nila inilihim ang taya nila sa estadistika na upang mapasigla ang ekonomiya at maiwasan ang recession, ang mga regular na gumagastos, tulad halimbawa ng mga magulang, ay dapat makapagbigay ng kontribusyon sa kinakailangang paggastos. At mangyayari lamang iyon kung kasa-kasama nila ang mga pangunahing nag-uudyok ng paggastos — ang kanilang mga anak.

Naglalaway na si DTI Sec. Ramon Lopez sa nakikinita niyang epekto nito — batay sa kanilang taya — na magiging triple ang benta ng retail industry mula sa nakapanlulumo nitong estado sa buong taong nananalasa ang pandemya. Magandang balita rin ito para sa manufacturers, at hindi naman natin ito hahadlangan para sa kanila. Pero ito na nga, hindi pa man nagsisimula ang pagpapahintulot sa paglabas ng bahay ng mga bata, nababanggit na ni Lopez ang posibilidad na palawigin pa ang edad ng mga papayagan sa edad lima hanggang 75 taong gulang.

Kasabay ito ng pagsusulong ng Economic Cluster ng Gabinete para baguhin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang status ng Metro Manila — ang rehiyon sa bansa na may pinakamaraming kaso ng CoVid-19 — sa pinakamaluwag na modified general community quarantine o MGCQ.

Kung mayroon mang pagkakasunduan sa ngayon, iyon ang press release ng Malacañang na papayagan na ang mga batang edad 10 anyos na lumabas ng bahay dahil makabubuti ito sa kalusugan ng kanilang kaisipan.

Tulad nga ng sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, totoong ang mga karanasan ng bata sa labas ng bahay “ay makabubuti sa kanilang kalusugang pisikal, pakikisalamuha, at pangkaisipan.” Sana lang ay hindi umabot sa puntong papayagan na nilang magsasama-sama muli ang mga bata sa silid-aralan para sa face-to-face classes.

Muli, kung ang lahat ng ito ay para sa pagpapabuti ng kalusugan, pagsasalba ng mga negosyo upang makaiwas sa pagkalugi at pagsasara, at pag-iwas na mawalan ng trabaho ang mga manggagawa, dapat na patas ang anumang pagtutol. Gayonman, mahalagang lakasan din ang boses sa pakikipaglaban para sa ibayong pag-iingat, hindi iyong tipong bubulung-bulong — tulad ng kaibigan nating taga-Department of Health (DOH) na nag-iingay lamang kapag itinatanggi ang mga alegasyon ng korupsiyon sa PhilHealth o dumedepensa sa kapalpakan sa pangangasiwa sa government health sector. (Kaway-kaway kay Sec. Duque).

Mariin ang pagtutol ng mga eksperto mula sa OCTA Research group, at sinabing delikado ang ginawang pag­babagong ito ng gobyerno sa polisiya nito. Bukod dito, pinaaalalahanan ng abang kolum na ito ang IATF na kasalukuyang pinaghahandaan ng bansa ang isang bagong uri ng coronavirus strain. Mismong ang DOH na ang nagsabi na ang bagong uri ng CoVid-19 na nagmula sa UK ay mas mabilis makahawa kompara sa orihinal na strain na kumalat sa 40-70 porsiyento ng buong mundo.

Sa katunayan, sinabi pa nga ng mga opisyal ng DOH na ang bagong CoVid-19 strain ay “siyam na beses na mas nakahahawa” kaysa CoVid-19 na prehuwisyo sa ating mga buhay.

Totoo, kailangan talagang maisalba ang ekonomiya, at ang pagbabago sa mga polisiya ang marahil ay pinakamalaking panghihikayat sa mga negosyo para makabangon muli simula nang magkaroon ng lockdown.

Sa huli, parang tug-o-war na napagigitna tayo sa paglilimi sa kahihinatnan nito para sa kalusugan ng mga pamilya — ang pangunahing yunit ng lipunan — na nasa kabilang dulo ng lubid.

Sana naman, huwag hayaan ng puwersang naiipon sa isa pang dulo na makabitaw at malugmok ang nasa kabila. Nakalulungkot na ganito na ang kinahinatnan ng tango na ito sa pagitan ng ating gobyerno at ng pandemya.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *