SA MAIGTING na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO), inaresto ng mga awtoridad ang tatlong lalaking kabilang sa most wanted persons na isinasangkot sa gang rape ng isang 19-anyos kolehiyala, nitong Martes, 19 Enero.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina John Cedric Ocampo, top 18 regional most wanted person (1st Quarter 2021); Errol John Randolf Ocampo, Top 17 Regional Most Wanted Person (1st Quarter 2021), kapwa residente sa Brgy. San Roque, sa bayan ng Angat; at Robert Charles Villanueva, residente sa Brgy. Sta. Cruz, nakatala bilang top 8 most wanted person sa Bulacan sa Municipal Level (1st Quarter 2021).
Naaresto ang mga suspek sa magkakahiwalay na manhunt operations sa mga barangay ng San Roque at Sta. Cruz, sa bayan ng Angat, ng tracker team ng Angat Municipal Police Station (MPS) sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong panggagahasa na inisyu ni Hon. Ma. Cristina Laderas, Presiding Judge ng RTC Branch 85, lungsod ng Malolos City, noong 22 Mayo 2019 na walang inirekomendang piyansa.
Nabatid na sangkot ang tatlong akusado sa panggagahasa sa isang 19-anyos kolehiyala sa Sabang, bayan ng Angat, 18 Nobyembre 2018.
(MICKA BAUTISTA)