WALO katao, isa rito ang punong barangay ng Hulong Duhat, ang pinatay sa pamamaril ng mga hindi kilalang suspek sa loob lamang ng dalawang linggo sa lungsod ng Malabon.
Kaugnay nito, nagtalaga ng 100 pulis si Northern Police District (NPD) director P/BGen. Eliseo DC. Cruz bilang karagdagan sa 400 dating pulis sa lungsod.
Kahapon ay pinagbabaril sa sariling bakuran si barangay chairman Anthony “Tune” Velasquez ng mga ‘di kilalang suspek.
Pawang sakay ng motorsiklo, tinangkang pasukin ng mga namaril ang harapan ng bahay ni Velasquez, nagpaulan ng bala at dagling tumakas.
Agad itinakbo si ‘Kap Tune’ sa Manila Central University Hospital, kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Dalawang magkasunod na araw bago ito, pinatay sina Sonny Boy Pardillo, 39, habang naglalakad sa P. Aquino St. sa Tonsuya at si Valentino Espinosa, 34, habang natutulog sa sariling bahay sa P. Concepcion sa Tugatog ng dalawang ‘di kilalang suspek sa magkahiwalay na pangyayari.
Bago ito, pinutukan si Marlon Santiago sa kanyang bahay sa Plata St., Tugatog, hapon ng 8 Enero, habang ang 37-anyos na si Ace Bade ay binaril sa bilyaran sa Tonsuya, 9:55 pm nitong 7 Enero.
Noong 5 Enero ay pinaslang din si Rodolfo Carpentero, 46 anyos, ng hindi kilalang kriminal, sa Kagitingan St., sa Brgy. Muzon.
Isa namang security guard na kinilalang si Yasser Ampuan, 21, ang namatay sa putok ng shotgun sa Brgy. Panghulo noong 27 Disyembre 2021.
Napaulat sa nakaraan na nakatanggap ng mga death threat si Velasquez sanhi ng aktibong partisipasyon sa anti-drug campaign ng lungsod na epektibong nagpababa sa insidente ng droga sa Barangay Hulong Duhat.
Magugunitang nabalot ng kontrobersiya si Velasquez nang mapasama sa kumalat na “drug watch list” apat na taon na ang nakararaan, ngunit itinuring ito ng kanyang pamilya na kagagawan ng mga katunggali sa politika.
Sa kabila nito, masigasig na nakipagtulungan si Velasquez sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) partikular sa buy bust operations.
Sinabing posibleng may ‘nasagasaan’ ni Velasquez ang modus ng Zapanta Group na pinangungunahan ng isang dating pulis na natanggal sa serbisyo kaugnay ng pagkasangkot sa ilegal na droga.
Kinondena ng Liga ng mga Barangay sa Malabon, sa pamumuno ni ABC President Ejercito Aquino, ang pagpatay kay Velasquez, gayondin ang iba pang kaso ng karumal-dumal na pamamaril sa lungsod lalo nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa Liga, “walang dapat na maging biktima ng walang saysay na pagpatay,” kung kaya’t hinihiling nito sa Philippine National Police na “masusing imbestigahan at aksiyonan ang mga kasong ito upang magdulot ng hustisya sa mga biktima.”
Ipinagluluksa ni Mayor Antolin Oreta III ang pagkawala ng isang lingkod-bayan na may puso at dedikasyon sa serbisyo sa katauhan ni Velasquez, at ikinalulungkot na nangyari ang krimen sa mismong tahanan ng biktima.
Ipinanawagan ni Oreta ang mabilisang aksiyon ng pulisya sa pamumuno ni Malabon Police chief, Col. Angela Rejano at mahigpit na koordinasyon sa lokal na pamahalaan tungo sa pagkahuli ng mga suspek at tuluyang pagkalutas ng mga krimen. (ROMMEL SALES)