Friday , November 15 2024

Isa pang lockdown?

BAGAMAT dahil sa itinakdang deadline para sa kolum na ito ay hindi ko magawang magbigay ng reaksiyon sa mga nangyari kahapon sa Senado, isa ito sa mga kakatwang araw kung kailan hindi ko mawari ang nararamdaman ko sa dalawang mahahalagang usapin.

Itinakdang magharap-harap kahapon (11 Enero) ang Senate Committee of the Whole upang talakayin ang mga susunod na hakbangin ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya na pinagtutuunan ang bakuna kontra CoVid-19. Sa kabilang banda, inaasahang sa sesyon bukas (13 Enero) ay bubuhaying muli ng parehong kapulungan sa Kongreso ang mga panukala para sa Charter change.

Ang paglalahad ng opinyon ko sa pagsusulat ng kolum na ito ilang araw bago ang nakatakdang paglalathala ay maikokompara sa kung anuman ang naisakatuparan ng Senado kahapon pagdating sa agaran at pangmatagalang pagtulong sa pangkalahatang pagtugon ng gobyerno sa pandemya.

Ang mga problemang hatid ng pandemya ay pabago-bago, tulad din kung paanong ang CoVid-19 ay nagmu-mutate para maghatid ng mas matindi pero hindi madaling matukoy na mga panganib. Isang halimbawa ang tinatawag na “UK variant” ng coronavirus, na ayon sa mga eksperto sa nakahahawang sakit ay nasa 40%-70% na mas madali raw maipasa kompara sa orihinal na strain na kumalat sa mundo. Nakikini-kinita nila ang siyam na beses na pagrami ng mga kaso kapag nakarating ang bagong variant na ito sa ating bansa.

Kung sakali pala, ang travel ban na ipinatutupad ngayon ng Filipinas laban sa 28 bansa na nakapagtala ng nabanggit na UK strain ay isang paraan lang para maantala ang pagpasok ng bagong uri ng CoVid-19 sa ating bansa. Naniniwala si Dr. Jaime Montoya ng DOST na posibleng narito na sa atin ang bagong variant. At kamakailan lang ay may dalawa pang bagong variants ng sakit ang natuklasan — ang isa ay nadiskubre sa South Africa at ang isa pa ay sa kalapit-bansa nating Malaysia — na wala pa tayong ideya kung anong kaibahan sa orihinal na coronavirus.

Ang mensaheng nais iparating sa atin ng siyensiya at ng sarili nating karanasan, ayon kay Montoya, ay katotohanang kapag mas maraming tao ang naapektohan ng sakit, mas malaki ang posibilidad na mag-mutate ito. Kasabay nito, malinaw namang ipinahihiwatig ng ating reaksiyon na sa kabila ng kabi-kabilang mga babala at pagbabawal, nitong Sabado lamang, mahigit 22,400 katao ang nagtipon-tipon sa mga lansangan ng Maynila para sa isang relihiyosong selebrasyon, na ipinagbawal na kahit ng mismong mga pari ilang buwan na ang nakalipas.

Dahil dito, ang “game plan” ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya ay dapat na bukas sa anumang pagbabago. Hindi na ako magugulat, halimbawa, kung muling magpatupad ng lockdown. Paano nito muling maaapektohan ang ating ekonomiya? Ang sagot, ayon sa NEDA, ay aabot sa P2.1 bilyon halaga ng naglahong sahod kada araw sa kalakhang Maynila pa lamang.

Kaugnay nito, ang kahandaan sa anumang pagbabago ang ipinamalas ng mga alkalde na bago pa ang gobyerno ay nauna nang umorder ng mga bakuna kontra CoVid-19 gamit ang kani-kanilang local government funds. Pagpupugay sa alkalde namin dito sa Quezon City, si Joy Belmonte, bilang isa sa kanila.

Tungkol naman sa pinakaaabangang debate bukas sa Kongreso sa usapin ng Cha-cha, iginigiit ng mga nagsusulong nito na layunin ng pag-amyenda sa 1987 Constitution na iwasto ang mga probisyong pang-ekonomiya na nakapipigil sa ilang industriya para makuha ang mga kinakailangang dayuhang pamumuhunan na makatutulong sa bansa upang matugunan ang negatibong epekto ng pandemya sa ating ekonomiya.

At marahil, baguhin na rin nang bahagya ang Party-list Law upang mawala na ang mga nagkukunwaring kinatawan ng iba’t ibang sektor at ang mga kaaway ng pamahalaan na nakikinabang sa ibinabayad nating buwis.

Aabangan natin ‘yan.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *