ARESTADO ang dalawang lalaki ng mga awtoridad nitong Linggo, 10 Enero, matapos ireklamo ng panggagahasa ng kanilang mga anak-anakan sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula sa Pandi Municipal Police Station (MPS), unang nadakip ang suspek na kinilalang si Anton Nazar Paelma sa panggagahasa sa 12-anyos anak ng kanyang live-in partner sa Brgy. Pinagkuartelan, sa bayan ng Pandi, sa naturang lalawigan.
Batay sa sumbong ng biktima, naalimpungatan siya sa pagtulog nang maramdamang may ginagawang kalaswaan sa kanya ang suspek.
Pinilit aniyang manlaban ngunit nanaig ang lakas ng kinikilalang ama-amahan hanggang tuluyan siyang maangkin ng suspek.
Isinumbong ng biktima at mga kaanak sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pag-aresto sa suspek saka isiuko kay Paelma sa himpilan ng Pandi MPS.
Samantala, sa ulat mula sa Bustos Municipal Police Station (MPS) ay inaresto ang isang alyas Del Sumaway dahil sa panggagahasa sa kanyang 18-anyos anak-anakan sa Brgy. Talampas, sa bayan ng Bustos, sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa biktima, nakaupo siya sa kama nang biglang lumapit ang suspek at marahas siyang inutusan na isara ang pinto ng kuwarto at patayin ang ilaw.
Pagkatapos ay sapilitan siyang pinahiga ng suspek sa kama at inilugso ang kanyang puri.
Agad isinumbong ng biktima sa tanggapan ng Bustos MPS na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.
(MICKA BAUTISTA)