HULI sa ikinasang entrapment operation ng pulisya nitong Miyerkoles, 6 Enero, ang dalawang miyembro ng sindikatong nagpapakalat ng mga pekeng sigarilyo sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan provincial director, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Bernard Allen Contrillas, residente sa Brgy. Mojon; at Joshua Alcoriza, residente sa Brgy. Sumapang Matanda, sa lungsod ng Malolos.
Nabatid na nagkasa ng entrapment at buy bust operation ang mga tauhan ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) sa Brgy. San Vicente, sa naturang lungsod, dahil sa ulat na may nagpapakalat ng mga pekeng sigarilyo sa lugar.
Nagpanggap ang isa sa mga pulis na isang buyer at nang magkaabutan ng mga pekeng sigarilyo at pera ay agad inaresto ang dalawang suspek.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 25 ream ng pekeng Marlboro red cigarette o kabuuang 250 pakete, P27,000, buy bust money, at isang motorsiklong Yamaha Mio Sporty na ginagamit sa ilegal na gawain.
(MICKA BAUTISTA)