SUNOD-SUNOD na nasakote ng mga awtoridad ang 18 katao, pawang nahuling lumabag sa mga ipinaiiral batas sa serye ng anti-crime drive operations sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 6 Enero.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nadakip ang 10 sa mga suspek dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga sa ikinasang buy bust operations ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Balagtas, Baliwag, Bustos, Malolos, Marilao C/MPS at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) kaagapay ang Special Operations Unit 2 (SOU-2).
Nakuha mula sa mga suspek ang 46 selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu at buy bust money na kasamang dinala sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa drug test at laboratory examination.
Samantala, naaresto ang anim na suspek na naaktohang nagsusugal ng tong-its sa Altus Farm, Brgy. Tiaong, sa bayan ng Guiguinto.
Nakompiska mula sa mga suspek ang dalawang set ng baraha at bet money na halagang P416.
Kasunod nito, timbog din ang dalawang wanted persons sa magkahiwalay na manhunt operation na isinagawa ng tracker team ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) katuwang ang Hagonoy MPS at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Nadakip ang mga suspek sa bisa ng mga warrant of arrest para sa mga krimeng Slight Physical Injuries at Rape, at nakakulong na sa kani-kanilang arresting unit para sa kaukulang disposisyon.
(MICKA BAUTISTA)