HINDI pinayagan ng Supreme Court (SC) en banc ang petitition for writ of kalikasan na inihain ng mga mangingisda at civil society groups laban sa konstruksiyon ng international airport sa Bulacan.
Base sa impormasyopn mula sa Korte Suprema, ibinasura ang petisyon laban sa San Miguel Aerocity, Inc., dahil sa kakulangan ng merito dahil nabigong mag-comply sa required form at substance.
Ang petisyon ay inihain ng Oceana sa pamamagitan ng abogadong si Gloria Estenzo Ramos, company vice president; mga mangingisda na naka-base sa Bulacan na pinangungunahan nina Teodoro Bacon at Rodel Alvarez; Archbishop Roger Martinez ng Archdiocese of San Jose del Monte, at Aniban ng mga Manggagawa sa Agrikultura na pinangunahan naman ni Renato de la Cruz, chairman ng grupo.
Binigyang diin ng petitioners na ang reclamation ng Manila Bay sa area ay makaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda at paglabag din sa environmental laws.
Nanawagan sila ng proteksiyon para sa natural life support systems at sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Ang writ of kalikasan ay isang legal remedy na nakadisenyo para protektahan ang constitutional right ng mamamayan para magkaroon ng healthy environment sa ilalim ng Philippine Constitution.
(MICKA BAUTISTA)