Friday , November 15 2024

Si ‘Duque of Hazard’

MALAPIT na akong masiraan ng bait dito kay Health Secretary Francisco Duque III, na minsan pang nag­tagum­pay sa pag­papakakontrabida.

Nagpakawala ng nakagugulat na pag­bubunyag si Senator Panfilo Lacson, Jr., kamakailan nang sabihin niyang sinayang ng Filipinas ang pagkakataong agarang masuplayan ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Pfizer matapos magpabaya si Duque sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento para sa mahalagang transaksiyong ito.

Ito rin ang Duque na pinaniniwalaang pumalpak na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at tugunan ang pandemyang dulot nito sa bansa, na nagresulta sa pagkakahawahan ng mahigit 456,000 at pagkamatay ng 8,800; at ang chairman of the board ng PhilHealth na kataka-takang walang nalalaman sa malawakan at harap-harapang paglulustay sa pondo ng korporasyon.

At ngayon nga, nakaalpas sa mga Filipino ang napakahalagang pagkakataon na agarang makakuha ng 10 million doses ng bakuna ng Pfizer dahil lang sa kabiguan ni Duque na pirmahan ang ilang dokumento.

Sobrang nag-iingat lang ba siya, o sadyang tatamad-tamad? Iyong una ang kanyang ikinatuwiran, iginiit na ang inihihingi ng permiso ng nabanggit na mga dokumento ay para sa isang “bagong bakuna.” Pero teka, natural lang na lahat ng bakuna kontra COVID-19 ay bago, kahit pa ang pinapaboran ni Duque na Sinovac. Kaya nga 2019 novel coronavirus ang pupuksain nito, hindi ba?

Ang palusot ng Health Chief sa panibagong kapalpakan niyang ito ay kasing mumurahin at kasing walang kuwenta ng mga Christmas lights na inilalako sa isang “duty-free bangketa.” Sana lang ay hindi nito nailagay sa panganib ang buhay ng mas maraming Filipino.

Ipinahihiwatig din nitong mas mahusay ang kanyang nalalaman kaysa Health authorities sa mga bansa sa West, na nagsimula na ng malawakang pagbabakuna gamit ang pinakabagong gamot ng Pfizer. Kung nakaaangat man o hindi ang kahusayan ni Duque sa kanyang Western counterparts ay isang tanong na mahirap sagutin, pero ang mismong track record niya ang magbibigay ng kasagutan.

Interesado naman ako kung ano ang dating kina Philippine Ambassador to the United States Jose “Babes” Romualdez at Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., ng “indifference” (salitang nanggaling mismo kay Lacson, hindi sa akin) ni Duque, kung pakaiisipin na July pa nakikipagnegosasyon ang dalawang diplomats kay US Secretary of State Mike Pompeo para sana sa agarang pagdating sa Filipinas ng bakuna mula sa Pfizer.

***

Si Teddy Boy, lalo na, ay tiyak na nagpupuyos sa galit. Parang naririnig ko na siyang binibigkas nang pagkalutung-lutong, sa perpektong English, ang apat-na-letrang salita. Kahit paano, ang pakonsuwelo nila ni Romualdez ay hindi ang sinuman sa kanila ang nagkulang sa kanilang tungkulin sa gitna ng kapalpakang ito.

Sa usaping ito tungkol sa “Duque of Hazard,” nakapanghihinayang ang pinalampas na pagkakataon dahil sa ginawa niya. Kung inapura lang sana niya ang agarang supply ng bakuna kontra COVID-19 — saang bansa man iyon manggaling — napatunayan sana niya sa kanyang mga kababayan na nauunawaan niya ang kahalagahan ng pagmamadali, isang bagay na hindi niya naipamalas ngayong pandemic at sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng PhilHealth.

Ano nga ba ‘yung nasa rulebook? Gawin mo nang tatlong beses at laglag ka na?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *