HINDI lang minsan kundi madalas na napapansin ang itinuturing na ‘maliliit na sabwatan’ kapag nagresulta na ito ng malaking eskandalo.
Ganito natin tinitingnan ang insidenteng nagbunsod ng kamatayan ng isang 23-anyos flight attendant na kinilalang si Christine Angelica Dacera, a.k.a. Ica.
Kung hindi nabatid ng publiko na si Ica ay namatay sa City Garden Hotel sa Kalayaan Ave., sa Makati City, hindi malalantad sa publiko na pumapayag ang nasabing hotel na magsama-sama ang maraming tao sa iisang kuwarto sa panahon na mahigpit na nagpapatupad ng health protocol ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sabi nga ni NCRPO chief, Gen. Vicente Danao, kung apatan ang isang kuwarto sa nasabing hotel, awtomatikong dalawa lang ang puwede rito dahil sa ipinaiiral na social distancing.
Pero bakit umabot sa 11 katao ang naging guest nila para sa dalawang kuwarto?!
Bukod doon, bakit pinayagan ang party, sa loob ng isang kuwarto?
Mismong mga bagong video ay nagpapatunay sa mga kapabayaang ito.
Ang Department of Tourism (DOT) ay naglabas na ng show-cause order para sa City Garden Grand Hotel sa Makati — upang magpaliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila kailangan suspendihin sa kabila ng mga posibleng paglabag gaya ng pagtanggap ng mga guests for leisure purposes.
Sa liham ng DOT, dated January 5, 2021, inatasan ni DOT regional director Woodrow Maquiling, Jr., si City Garden Grand Hotel general manager Richard Heazon na magpaliwanag bakit patuloy na tumatanggap ang hotel ng guests na hindi pinapayagan kung ginagamit silang quarantine or isolation facility.
“It has come to the attention of the DOT that the demise of a Philippine Airlines flight attendant allegedly occurred during a party held in your establishment on 31 December 2020. We understand based on reports that several individuals have checked-in or spent the evening in one of your rooms on the said date,” saad sa sulat.
Ayon sa DOT, dapat magpaliwnag ang City Garden Grand Hotel at patunayan kung bakit hindi sila kailangan tanggalan ng “license to operate.”
Tsk tsk tsk…
Ibang klase rin ang lakas ng loob ng hotel na ito. Ibig sabihin ba nito’y hindi lang ito minsan nangyayari?!
Kung malakas ang loob ng ilang personahe na magdaos ng ganyang kasiyahan sa nasabing hotel sa panahon ng pandemya, ibig sabihin may ganyang praktis ang nasabing hotel?!
Aba kung hindi ‘yan alam ng management ng hotel, sasabihin nating imposible!
Paanong hindi nila malalaman ‘e mayroon silang mga CCTV?!
Isa pang tanong, wala bang nagmo-monitor sa kanilang CCTV dahil noong inilipat-lipat na sa iba’t ibang kuwarto si Ica ay hindi sila agad naalarma?!
Malaki ang papel ng maluwag na patakaran ng nasabing hotel kung bakit nagaganap ang katulad na insidente ng pagkamatay ni Ica.
Palagay natin, may tungkulin ang pulisya na imbestigahan ang nasabing hotel upang mabatid kung bakit sila pumapayag sa mga ganoong klase ng arrangement.
At palagay natin, may tungkulin ang DOT na inspeksiyonin ang lahat ng hotel na isinailalim bilang isolation facility, at huwag nang hintayin na maulit pa ang ganitong insidente.
Isang buhay na naman ang nasayang dahil sa mga kapabayaan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap