ILANG araw makalipas ang Bagong Taon, nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing hindi na itutuloy ang nauna niyang planong magpatupad ng total firecracker ban sa bansa.
Aniya sa isang public briefing, isinaalang-alang niya ang mawawalang kabuhayan ng mga taga-Bulacan, partikular sa bayan ng Bocaue na kinaroroonan ng industriya ng paputok.
Pinapayagang muli ang pagbebenta ng paputok, ngunit gobyerno at hepe ng pulisya ng local government unit (LGU) ang maaaring gumamit nito.
“As not to deprive the Bocaue residents of their livelihood, I will only allow kung aabutan pa ako ng Pasko uli, I will allow firecrackers and everything to be done by government. And it will be the mayor himself and the chief of police who should do this. Iyang fireworks sa community para makita ng tao with all the safe distances, lahat na social distancing doon sa pulbura,” pahayag ng Pangulo.
Tiwala ang Pangulo na hindi na malulugi rito ang mga taga-Bocaue ngunit mahigpit niyang bilin na dapat tiyaking ligtas pa rin gamitin ang mga paputok.
“Ipagbili na lang ninyo sa lahat ng local government units marami iyan, kikita kayo, kasi bibili lahat but sell it only to the police. Ang pulis ang magbili at sabihin kay mayor, ‘Mayor mayroon ako nabili rito, ganitong so much volume ng firecrackers.’ Kung gusto nila ng magandang presentation, okay lang,” aniya.
Inilinaw din ng Pangulo na desisyon pa rin ng mga alkalde kung papayagan nila ang paggamit ng paputok sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Hindi rin sila umano pipilitin ng Pangulo, kagaya na lang aniya ng lungsod ng Davao na desididong magpatupad pa rin ng total firecracker ban. (MICKA BAUTISTA)