SA KALABOSO bumagsak ang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makompiskahan ng halos P.4 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga pulis sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong suspek na si Arvin Amion, alyas Daga, 25 anyos, residente sa Phase 6, Brgy. 178, Camarin Road na nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 3:40 am nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Mina malapit sa bahay ng suspek.
Nang tanggapin ng suspek ang P7,500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu, agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa suspek ang halos 55 gramo ng shabu na tinatayang nasa P374,000 ang halaga at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong piraso ng P1,000 boodle money.
(ROMMEL SALES)