ISANG construction worker ang napaslang nang mapagkamalan ng isang pulis na ang hinahabol na magnanakaw sa bayan ng Sta. Rita, sa lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado ng gabi, 2 Enero.
Agad isinailalim ni P/Capt. Renemer Cruz, hepe ng Sta. Rita police, si P/Cpl. Eframe Ramirez sa restrictive custody at ipinasuko ang inisyung baril sa kanya.
Kinompirma ni P/Col. Arnold Thomas Ibay, direktor ng Pampanga provincial police na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng biktimang kinilalang si Federico “Tek” Pineda, 29 anyos.
Ipinag-utos na rin ni Pamapanga Gov. Dennis Pineda ang pagdisarma kay Ramirez at ipinahahanda ang mga kasong administratibo at kriminal na isasampa laban sa kanya.
Nabatid na humingi ng tulong si Michelle Pagauisan sa isang pahayagan kaugnay sa pulis na napagkamalan ang kanyang kapatid na suspek sa pagnanakaw at pagsaksak sa mga may-ari ng isang computer shop sa Sunny Side Subdivision sa Brgy. San Matias, sa naturang bayan.
Ayon kay Pagauisan, nasa selebrasyon ng ikapitong kaarawan ng kanyang anak na babae ang kanyang kapatid noong Sabado ng gabi nang maisipang maghatid ng lasing na tiyuhin pauwi.
Batay sa kuha ng CCTV, parehong nakasuot ng puting sando ang suspek na hinahabol ng pulis at si Pineda, na kapwa dumaan sa parehong pinto ng sabungan na may daan patungo sa bahay ng tiyuhin ni Pineda.
Dito hinarang ng pulis si Pineda dahil imbes facemask ang suot, kamiseta ang suot sa kaniyang mukha.
Dagdag ni Pagauisan, hinabol ni Ramirez ang kanyang kapatid na sumakay ng motor mula sa sabungan hanggang sa health center.
Aniya, kahit may tama na ng bala ng baril sa likod ay nakarating pa rin ang kanyang kapatid sa bahay ng bayaw kung saan siya nahandusay at binawain ng buhay.