NAPASLANG ang 62-anyos na dating kapitan ng barangay at tauhan ni dating gobernador Ito Ynares nang tambangan nitong Sabado ng hapon, 2 Enero, sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal.
Sa inisyal na ulat, kinilala ang biktimang si Oscar Tamayao Tangilin, residente sa Brgy. Sta. Cruz, sa lungsod, sinabing dikit na bata ng dating gobernador, at kasalukuyang empleyado sa Office of the Mayor ng Antipolo.
Sa testimonya ng testigo, dakong 1:40 pm kamakalawa, nang tambangan si Tamayao ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Olalia Road, kanto ng Sumulong Highway, sa Brgy. Sta Cruz, sa naturang lungsod.
Nabatid sa paunang imbestigasyon, sakay ang biktima ng kanyang Toyota Hi-Ace, may plakang NCO 6200 nang tabihan sa driver’s side ng riding-in-tandem saka biglang bumunot ang angkas na siyang bumaril sa dating kapitan.
Naisugod sa Assumption Hospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay sanhi umano ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Tumakas ang mga suspek sa Sumulong Highway patungo sa bahagi ng Masinag.
Nagsagawa ng dragnet operation sa mga checkpoint ang Antipolo PNP upang masukol ang hindi kilalang mga suspek.
(EDWIN MORENO)