ARESTADO ang isang 35-anyos lalaki matapos mangulimbat ng sapatos at tsinelas sa loob ng isang mall para may ipangregalo sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong theft (shoplifting) ang naarestong suspek na si Ericson Maninggo, walang trabaho, residente sa Pescador St., Barangay Bangkulasi, Navotas City.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SMSgt. Darwin Concepcion at P/MSgt. Julius Mabasa, dakong 6:30 pm, namamahala sa counter lane sa 3rd floor ng Robinsons Department Store sa Malabon Citi Square (MC Mall) sa C-4 Road corner Dagat-Dagatan Avenue, Barangay Longos si Arjay Largosa, admin officer nang tawagin siya ng security guard sa 2nd floor.
Bumaba si Largosa at nakita niya ang kahina-hinalang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt at itim na short pants na kumuha ng isang ACCEL running shoes, isang H2Ocean low first shoes, isang Bic fly basketball at isang Islander slipper na aabot lahat sa P4,478.50 ang halaga.
Isinilid ng suspek ang mga kinuha sa bitbit na paper bag ng Robinsons at nagmamadaling umeskapo na naging dahilan upang agad sabihan ni Largosa ang mga security guard sa entrance at exit door ng department store na pigilan ang lalaki.
Nang kapkapan ay nakompiska sa kanya ang mga kinulimbat kaya’t inaresto siya at binitbit sa Sub-Station 5 na pinamumunuan ni P/Capt. Carlos Cosme saka dinala sa Ospital ng Malabon para sa medical examination bago ipinasa sa Malabon Police para sa proper investigation at disposition.
(ROMMEL SALES)