SINISI sa dalawang low pressure areas (LPA) na nagpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ang patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa dalawang dam sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division Flood Forecasting and Warning Section, binuksan ang isang gate ng Angat Dam ng 0.5 metro (60cms) upang magpakawala ng tubig dakong 2:00 pm nitong Linggo, 27 Disyembre.
Kaugnay nito, binigyang babala ang mga residente sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, at Plaridel na sila ay maaapektohan sa bahang dulot ng pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam.
Hanggang 11:00 am kahapon, umabot ang water level sa Angat Dam sa 213.28 metro na mas mataas sa 212 metro na spilling level ng nasabing dam.
Samantala, nasa 100.25 metro ang water level ng Ipo Dam dakong 6:00 am kahapon, na ilang metro na lamang sa spilling level nito na 101 metro.
Ayon sa weather bureau, kasama ang Bulacan sa makararanas ng mahihina at malalakas na bugso ng pag-ulan na dulot ng dalawang low pressure areas. (MICKA BAUTISTA)