ARESTADO ang 19 kataong lumabag sa batas sa kampanya ng pulisya ng Bulacan laban sa krimen hanggang noong mismong araw ng Pasko, 25 Disyembre.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan PPO, unang nasakote ang walo katao sa magkasanib na operasyon laban sa ilegal na sugal ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Balagtas MPS at Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Naaktohan ang mga suspek habang nagsasagawa ng illegal cock fighting o tupada sa Barangay Santol, sa bayan ng Balagtas, dakong 1:40 pm, nitong 25 Disyembre.
Nakompiska mula sa mga suspek ang dalawang manok na panabong na may tari, 19 pirasong tari, at ang P1,090 bet money.
Samantala, dinakip din si Shean Andruis Valencia, 33 anyos, ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station sa bisa ng Warrant of Arrest sa krimeng paglabag sa Section 4 ng RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act.
Kasalukuyang nakapiit sa piitan ng Meycauayan CPS ang suspek habang inihahanda ang kaukulang disposisyon.
Sunud-sunod na inaresto ang 10 suspek sa iba’t ibang insidente ng krimen ng mga tauhan ng San Jose del Monte, Meycauayan, San Rafael, Norzagaray, Hagonoy, Balagtas at Pandi Police Stations.
Nadakip ang tatlo sa kanila sa lungsod ng San Jose Del Monte sa kasong Rape, Frustrated Murder (Stabbing Incident) at paglabag sa RA 9262; dalawa sa Hagonoy sa kasong Frustrated Murder; dalawa sa Meycauayan at Balagtas sa kasong Acts of Lasciviousness; dalawa sa San Rafael, at Norzagaray sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damages to Property; at isang suspek sa kasong Attempted Rape sa Pandi. (MICKA BAUTISTA)